KILALA si Atty. Lorna Patajo-Kapunan bilang abogada nina James Yap, Rhian Ramos, Hayden Kho Jr., at iba pa. Ngunit iilan lamang ang nakakakilala kung sino siya sa likuran ng limelight at mga kontrobersiyang nakapalibot sa kanyang buhay sa loob ng halos 40 taong legal practice. Isang mapagkalingang ina sa limang anak na lalaki, gayondin ang pagiging magiliw na lola sa kanyang tatlong apo, at may panahon pa siya para alagaan ang siyam na aso sa kanilang tahanan.
Kulang ang mga salita upang sabihing palaaral siyang tao. Sa pagtingin sa kanyang curriculum vitae, mapapansin na natuto siya sa mga prestihiyosong paaralan dito at sa ibang bansa ngunit sinikap magkaroon pa rin ng ugnayan sa mga komunidad sa kanyang kapaligiran. Mahigit apat na dekada ang kanyang karerang propesyonal mula sa corporate at civic-philantrophic work.
May masidhing ipaglaban ang pagkakapantay-pantay ng bawat kasarian gayundin ang karapatan ng mga bata, espesyalidad ni Atty. Kapunan ang batas para sa pamilya. Sa pamamagitan ng mga parangal at papuring tinanggap bilang isang legal expert, nagsilbi na siyang lecturer at consultant para sa mga international research groups. Nakapaloob sa kanyang mga adbokasiya ang para sa humanitarian at environmental concerns.
Isang kampeon ng nasyonalismo, inendorso ang kanyang senatorial bid ng Poe-Escudero tandem at ng nasyonalista at progresibong Makabayan bloc.
Kung mabibigyan ng pagkakataon sa Senado, isusulong ni Atty. Kapunan ang pag-amyenda sa Family Code upang matukoy din na biktima ng domestic abuse ang mga kalalakihan. Suportado rin niya ang panukala para sa diborsiyo at anti-discrimination bill.
Ang plataporma ni Atty Kapunan ay Pag-asa o H.O.P.E. , Honest government (reporma sa justice system) at Health services, Opportunity for all (ang pagprotekta sa lahat ng karapatang legal ng marginalized sectors kagaya ng mga kababaihan, kabataan, manggagawa, senior citizens, PWD, OFW, beterano at mga katutubo), Peace, Productivity, and Prosperity (kapayapaan sa Mindanao at industriyalisasyon) at Education, Employment, gayundin ang Environment at climate change.
Naniniwala si Atty. Kapunan na puno ng pag-asa ang kanyang pakikipaglaban para sa Senado, taglay ang mithiin para sa katarungan.
“Ako ang tiket para sa pag-asa at kung hindi mo bibilhin ang tiket ng pag-asang ito, huwag po tayong magalit. Dahil ang proseso ng halalan ay parang pagtaya sa lotto. Kinakasihan ng suwerte ang mga taong kumukuha ng tsansa at sumusubok,” nakangiting sabi ni Atty. Kapunan.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio