‘Taxi driver’ na kawatan, rapist timbog
Ruther D. Batuigas
April 16, 2016
Opinion
BUMAGSAK sa kamay ng mga elemento ng Mandaluyong City Police sa pamumuno ni Senior Supt. Joaquin Alva ang damuhong nagpapanggap na taxi driver para nakawan at gahasain ang kanyang mga pasahero.
Kinilala ang suspek na si Ricky Ramos na ang taktika ay nakawin ang taxi at gamitin para makakuha ng biktima na kadalasan ay call center agents sa lugar ng Mandaluyong at Makati. Mantakin ninyong sa loob ng apat na buwan ay lima na ang nabiktima ng damuho. Ayon kay Alva, tinatangay ni Ramos ang taxi mula sa mga lugar ng Quezon City, Pasay at Makati. Matapos niyang karnapin ang taxi ay mag-aabang na siya ng pasahero na kadalasang mga babae na nagtatrabaho sa mga call center, kadalsan ay 22-anyos.
Kinilala siya ng isa sa kanyang mga biktima matapos pakitaan ng pulis ng rogue gallery.
Malaki ang naging tulong nito para mahuli ang hinayupak.
Nailista rin ng isang biktima ang plate number ng taxi na kanyang ginamit sa pagnanakaw kaya tumulong ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kaso.
Napag-alaman na nasangkot na rin dati sa kasong robbery-hold-up at may kasalukuyang warrant of arrest.
Inaasahan natin na ang pagkakahuli sa damuho ay masusundan pa ng maraming pag-aresto. Ito ay sa kaso ng kawatan at rapist na nagpapanggap na taxi driver.
Pero sandamakmak na katulad na kaso ng pagnanakaw at panghahalay sa mga pasahero ang ginagawa ng mga tunay na driver. Ito ang mga driver na tinanggap ng operator na magmaneho ng kanyang taxi kahit na hindi niya inaalam kung ano ang background.
Ang hirap kasi sa maraming operator, basta may pambayad ng boundary ang gustong magmaneho ng taxi niya ay tanggap agad. Madaling masilaw sa pera nang hindi alam kung ang tinanggap niya ay krminal na magnanakaw, killer o rapist.
Kaya nga noon ko pa sinasabi, sa mga kaso na binibiktima ng taxi driver ang pasahero, dapat makasuhan din pati ang operator. Alalahanin na siya ang nagbigay ng pahintulot para makapagmaneho ang kawatang driver sa kanya.
Dapat maging tuloy-tuloy ang operasyon upang matukoy at mahuli ang mga kawatang taxi driver. Ang mga pasahero ay sumasakay ng taxi para makarating nang ligtas at matiwasay sa kanyang pupuntahan.
Malaking kagagohan, mga mare at pare ko, na ang mismong taxi driver na kanyang pinagkatiwalaan ang bibiktima sa kanya.
Tandaan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.