IPAKAKANSELA ng pamununan ng Quezon City Police District–District Anti-Illegal Drugs (QCPD-DAID) sa Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya ng 13 jeepney driver na kabilang sa 18 kataong naaresto kama-kalawa sa isinagawang drug-bust operation sa nasabing lungsod.
Ayon kay Chief Insp. Enrico Figueroa, DAID chief, maghahain sila ng petisyon sa LTO upang tuluyan nang kanselahin ang lisensiya ng mga driver na pawang bumibiyahe ng Proj. 2 & 3, at Cubao, pawang sa Quezon City.
Sinabi ng opisyal, ang mga nadakip ay matagal na nilang minamanmanan bunsod ng mga impormasyon hinggil sa talamak na paggamit ng shabu ng mga suspek.
Dagdag ni Figueroa, ilan din sa mga driver ang siyang nagtutulak sa kanilang mga kasamahan.
Matatandaan, nagsagawa ng anti-drug operation ang DAID sa Aurora Blvd., Cubao nang maaktohan nilang gumagamit ng shabu ang 13 driver at limang iba pa.
Paliwanag ng opisyal sakaling mag-positibo sa droga ang mga driver ay hihilingin nila sa LTO ang pagkansela ng kanilang lisensya.
Ang hakbang na ito ni Figueroa ay upang hindi na muli pang makapamasada ang mga adik na driver na posibleng masangkot sa disgrasya dahil sa paggamit ng ilegal na droga.