Mar sumagot sa tawag na ‘Bayot’ ni Duterte
Ruther D. Batuigas
April 9, 2016
Opinion
BALIK na naman ang iringan sa pagitan nina Liberal Party (LP) standard bearer Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Mantakin ninyong tawaging “bayot” ni Duterte si Roxas dahil kinuwestiyon ang kanyang pangako na lilinisin ang bansa sa krimen sa loob ng anim na buwan kung mananalong pangulo.
Para sa inyong kaalaman, ang salitang bayot ay nangangahulugang bakla.
Ayon kay Duterte, hindi raw lalaki si Roxas dahil takot pumatay at takot din mamatay.
“Subukan mo ako. Maghawak ka ng shabu sa harap ko, pasabugin ko ulo mo. You try holding shabu in my presence, ‘pag di kita binaril sa ulo. Ikaw bayot, ako kaya ko,” pahayag ni Duterte.
Pero kahit binabanatan ni Duterte, umiral pa rin ang pagiging disenteng tao ni Roxas sa kanyang pagsagot.
“Hindi ka ba nahihiya sa mga kababayan natin? Binigyan kita ng datos, katotohanan. Ang iyong masasagot lamang ay paninira? Name-calling? Hanggang diyan na lang ba ang kakayahan mo na mag-argue o mag-discuss ng mahahalagang issue sa buhay ng mga kababayan natin,” sagot ni Roxas.
Dahil sa mahigpit na pamumuno ni Duterte ay tumino ang Davao City. Ang mga kriminal, lalo na ang mga damuhong sangkot sa droga, ay nadala at nawala.
Pero hindi rin maitatanggi na mataas ang bilang ng extra-judicial killings sa naturang lugar habang alkalde si Duterte. Ang pumapatay sa mga kriminal ay grupong tinaguriang Davao Death Squad na iniuugnay kay Duterte.
Ang masaklap nga lamang ay kabilang ang mga menor de edad sa mga pinapatay nito kahit na hindi pa hinusgahan ng korte na guilty.
Ayon kay Roxas, sa kabila ng katotohanang may 20 taon na pinamunuan ni Duterte ang Davao City ay mataas pa rin ang bilang ng krimen sa lugar batay sa mga datos.
Kaya hindi naniniwala si Roxas na kaya ni Duterte na tuparin ang pangako na mawawala na ang krimen sa bansa sa loob ng anim na buwan kapag siya ang nanalo. Pombobola lang daw.
Tulad ni Duterte ay galit ako sa droga at sa iba’t ibang krimen. Kaya kasangga niya ako sa mga pagsisikap niya na labanan ang masasamang loob. At wala naman katibayan na nagpapatunay na si Duterte ang nasa likod ng Death Squad na kahit menor de edad ay walang awang pinapatay.
Si Roxas man o Duterte ang magwagi at maging pangulo, nakatitiyak tayo na kabutihan ang hangarin nila para sa bansa. Ako naman, mga mare at pare ko, ay walang kinakampihan sa kanila. Dahil ang kinakampihan lang natin ang batas at ang tamang pagpapatupad nito.
Tandaan!