Tserman utas sa atake sa puso (Suspek sa pagpatay sa pulis, 1 pa)
Rommel Sales
April 6, 2016
News
HINDI na mapapanagot sa batas kaugnay sa pagpatay sa isang bagitong pulis at isang vendor sa Caloocan City ang isang barangay chairman makaraan bawian ng buhay nang atakehin sa puso kamakalawa ng gabi habang nagpapagaling sa pagamutan kaugnay sa tama ng bala ng baril sa hita.
Ayon kay Sr. Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Caloocan City Police, dakong 10 p.m. nang atakehin sa puso si Ronald Romero, 38, chairman ng Barangay 128, habang naka-confine sa Chinese General Hospital.
Nauna rito, sinampahan ng two counts ng murder si Romero dahil sa pagpatay kina PO1 Richmond Mataga, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 1, at Michael Serrano.
Dakong 4:05 p.m. nitong Sabado nang maka-rinig ng putok ng baril si Mataga habang minamaneho ang kanyang motorsiklo kasama ng isang nagngangalang Joana Clarises Cabucan sa pa-nulukan ng Binhagan at Cabatuan streets, Brgy. 129.
Bunsod nang tawag ng tungkulin, tinungo ni Mataga ang pinanggali-ngan ng putok at nakita si Romero at isa pang lalaki habang binabaril si Serrano bagama’t naka-handusay na sa kalsada.
Agad nagpakilala si Mataga bilang pulis ngunit hindi pa rin tumigil ang dalawa sa pamamaril kaya’t nagpasya ang pulis na barilin si Romero sa hita ngunit gumanti ng putok ang tserman kaya tinamaan ng bala sa dibdib ang pulis.
Bukod sa kasama ni Romero na bumaril sa mga biktima, isa pang lalaki na sinasabing kasabwat din ng mga suspek ang nakita sa close circuit television (CCTV) camera, na kinilalang si alyas Arvie.
“Hihintayin natin ang resulta ng ballistic examination sa nakuhang mga basyo ng bala, posibleng hindi lang si chairman ang nakabaril kay PO1 Mataga,” ani Bustamante sa panayam ng mga ma-mamahayag.
Patuloy ang manhunt operation ang mga tauhan ng Follow-up Unit ng Caloocan City Police, na pinamumunuan ni Sr. Insp. Edgar Adona, laban sa sinasabing mga kasama ni Romero.