NAMAALAM na si Mamay Belen Aunor last March 10 sa gulang na 86. Siya ang mentor/discoverer ng Superstar na si Nora Aunor, mother ng 80’s teenstar na si Maribel Aunor at lola ng magkapatid na singers na sina Ashley at Marion Aunor.
Bukod sa pagiging kilala sa pag-aruga noon kay Nora nang pitong taong gulang pa lamang ang premyadong aktres hanggang sa tingalain ang Superstar sa mundo ng showbiz, si Mamay Belen ay isang singer at composer. Tumutugtog din siya ng violin at gitara at aktibo sa kanilang Christian church.
Ayon kay Lala (Palayaw ni Maribel), ang kanyang ina ang siyang naging impluwensiya ng kanilang buong pamilya para mahiligan ang musika.
“Siya yung nag-inject ng music sa family, sa kanya ng originate eh. Kumbaga, naging musically inclined kami dahil sa kanya. Imagine mo 86 na siya, naggigitara pa siya, nagko-compose ng songs at nagva-violin pa,” saad ni Ms. Lala.
Pano niya ide-describe si Mamay Belen bilang mother? “Napakaano niya, kumbaga hindi ka pababayaan, hindi siya pabayang ina. Hanggat maaari, pinagba-bonding-bonding niya kaming mga anak niya. so mabuti siyang ina sa aming lahat. And kung sino yung- halimbawa syempre mga magkakapatid hindi naman lahat maganda ang buhay, kumbaga kung sino ang naaapi, nandoon siya at handang tumulong.”
Ano’ng huling napag-usapan nila ni Mamay Belen? “Wala naman, nagjo-joke pa siya sa amin, e. Pero bago iyon, tumawag siya sa amin mula Pangasinan at nag-panic talaga ako. Kasi ang sabi niya (sa phone), ‘Lala, hindi na yata ako magtatagal.’
“Kaya bigla akong nagpunta sa Pangasinan. Wala kaming driver, kaya kami ni Marion ang naghalinhinan sa pagmamaneho.Pagdating namin doon, feeling ko ay parang naglalambing lang siya. Kasi nang tinanong ko kung bakit niya sinabi na hind na siya magtatagal. Ang sagot niya, ‘Ha, sinabi ko ba iyon?’
“Pinauwi na niya kami dahil wala daw kaming driver at gagabihin kami sa daan.Pero iyon pala, iyon na yung last day na makikita namin siyang buhay.”
Ano pong pinakamami-miss ninyo kay Mamay Belen?”Iyong music niya atsaka yung pagmamahal niya bilang ina. Marami siyang mga advices na talagang, halimbawa yung sa showbiz nga, alam na alam niya, mas ma-PR pa sa akin yun. Noong araw kapag sumisimangot, sasabihan ka agad niyan na ‘Huwag ka sumimangot,” nakatawang pagbabalik-tanaw ni Ms. Lala.
As of Sunday ng madaling araw (March 13), hindi pa dumadalaw sa burol si Nora, ngunit umaasa ang pamilya na dadalaw ang batikang aktres.
Sa tingin kaya niya, magtatampo si Manay Belen kung hindi dadalaw si Ate Guy? “Siguro, hahaha!” natawang sagot pa ni Ms. Lala.
Si Mamay Belen ay nakaburol ngayon sa Holy Trinity Chapel sa Sucat, Parañaque at dadalhin sa kanyang huling hantungan sa Huwebes ng umaga sa Manila Memorial Park sa Parañaque.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio