ITATAYA ng Alaska Milk at Barangay Ginebra ang kani-kanilang three-game winning streaks sa kanilang salpukan sa PBA Commissioner’s Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa unang laro sa ganap na 4:15 pm ay kapwa pagbabawi naman sa pagkatalo ang magiging paghaharap ng Mahindra at Phoenix Petroleum.
Ang Aces ay kasosyo ng San Miguel Beer sa ikalawang puwesto sa kartang 3-1 samantalang ang Gin Kings ay ikaapat na puwesto kasama ng Mahindra sa record na 3-2. Nasa dulo ng standings ang Fuel Experts sa kartang 1-3.
Ang Aces ay natalo sa kanilang unang laro kontra Blackwater, 107-101 bunga ng pangyayaring hindi nakalaro ang import na si Rob Dozier na nagkaroon ng foot injury. Siya ay pansamantalang hinalinhan ni Shane Edwards.
Sa pagdating ni Edwards ay nakapagrehistro ng tatlong sunud-sunod na tagumpay ang Aces. Katuwang ni Edwards sina Calvin Abueva, Vic Manuel, JVee Casio, Sonny Thoss at Cyrus Baguio.
Ang Gin Kings ay natalo naman sa kanilang unang dalawang laro bago nagposte ng panalo kontra Rain Or Shine (102-93), Star (92-87) at Mahindra (104-86).
Ang Gin Kings ay pinamumunuan ng pinakamaliit na import sa torneo na si Othyus Jeffers na tinutulungan nina Greg Slaughter, Japhet Aguilar, Mark Caguioa, LA Tenorio at Chris Ellis.
Matapos na magwagi sa kanilang unang laro laban sa NLEX, 118-106, ang Phoenix ay nakalasap ng tatlong sunod na kabiguan Hindi nakatulong ang pangyayaring pinalitan nila ang kanilang original na import na si Kenny Adeleke at kinuha si Kevin Pinkney.
Subalit umaasa si coach Koy Banal na habang tumatagal ay lalabas din ang buti ni Pinkney. Kailangan ding maging consistent ang performance ng mga locals na gaya nina RR Garcia, JC Intal, Wllie Wilson at Mac Baracael.
Ang Enforcers ay sumasandig kay Agustus Gilchrist kasama ng mga locals na sina Nino Canaleta, Aldrech Ramos, LA Revilla at Karl Dehesa.
( SABRINA PASCUA )