Thursday , December 12 2024

‘Endo’ system sa paggawa wawakasan ni Bongbong

NAKAAMBA ang tuluyang pagkalusaw ng uring manggagawa kung hindi aarestohin ng mga awtoridad ang sistemang ‘ENDO’ sa paggawa.

Ang ‘ENDO’ ay ‘yung tinatawag na ‘end of contract.’ Nag-umpisa ang sistemang ito sa service sector o ‘yung mga nagtatrabaho sa mga department store (mall na ang tawag ngayon) mula saleslady hanggang maintenance workers.

Ang ‘ENDO’ ay kilala rin sa tawag na ‘5-5-5 labor only contracting.’ Ibig sabihin, nilalamon at binabalewala ang constitutional guaranty, dahil ang kontrata ng trabaho ay hanggang limang buwan lang. Kapag sumampa kasi sa anim na buwan ay awtomatikong regular ang empleyado, alinsunod sa itinatakda ng Labor Code.

At para kay Bongbong, hindi lang ang uring manggagawa ang lulu-sawin ng sistemang ito kundi maging ang industriyalisasyon sa bansa.

Kung tutuusin, nangyayari na ito ngayon. Pumapatol ang mga kababayan natin kahit sa tila-sangkahig-santukang pasahod sa ibang bansa kaysa naman sa trabahong good for 5 months lang dito sa bansa at wala pang natatanggap na benepisyo.

Ang sistemang ‘ENDO’ sa bansa ay tila halimaw na unti-unting nilalamon ang manggagawa hanggang tuluyang malusaw ang industrialisayon sa bansa.

Dito klarong-klaro na pinagkikitaan lang ang lakas-paggawa pero walang layuning makatulong para patatagin ang ekonomiya ng bansa.

Sa simpleng rason, na kung 50 porsiyento ng mamamayan ay walang trabaho, saan kukuha ng buwis ang gobyerno?!

Dito nag-uugat ang hangarin ni Bongbong na hawakan ang Department of Labor and Employment (DOLE) dahil nakikita niya ang malalaking pangangailangan na tutukan ito.

Sabi nga, ang mga manggagawa ang susunod na may malaking populasyon sa bansa, una ang mga magsasaka. At dahil maraming lupang agrikultura ang nai-convert sa real estate, dumarami na rin ang mga magsasakang nagiging overseas Filipino workers (OFW) habang ang mga kabataan ay napadpad sa mga call center na nagpapatupad din ng sistemang ‘ENDO.’

Wala tayong kandidato na naringgan na wawakasan ang ENDO, ma-liban kay Bongbong dahil marami sa kanila ay sinusuportahan ng malalaking negosyante na nagpapatupad ng ENDO sa kani-kanilang kompanya.

Ang pagwawakas ng ENDO ay nangangahulugan ng tuloy-tuloy na trabaho, benepisyo at insentibo at patuloy na pagtatag ng ekonomiya.

‘E saan pa tayo?!

Doon, siyempre, sa tutuldukan ang ENDO.

Oplan-Bincudero sa DQ case ni poe Ibinunyag

Hindi raw ‘mapipilayan’ si Senador Chiz Escudero bilang vice presidential candidate kahit ma-disqualify si Senator Grace Poe sa pagka-presidente sa May 9 elections.

Ito ang iginiit ng isa sa mga pangunahing supporters ni Escudero na nagsabing matagal na raw pinaghandaan ni Chiz ang ganitong situwasyon.

Sinabi niyang may nabuo nang “Oplan BinCudero” ang kampo ni Chiz at tumutukoy ito sa pakikipag-alyansa nila kay Bise Presidente Jejomar Binay.

Ngunit hiniling niyang itago ang kanyang pangalan dahil hindi siya authorized magsalita tungkol sa planong nabanggit.

Aniya, isusulong ng “Oplan BinCudero” ang tambalang Binay-Escudero kapag naging kontra kay Poe ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa disqualification case nito na nakabinbin sa nasabing korte.

Ayon sa impormante, isa raw ito sa mga napagkasunduan nina Binay at Escudero nang ang dalawa ay nag-usap sa isang restawran sa Davao City noong Oktubre 25, 2015.

Ang dalawa ay pinagtagpo ng kapwa nila kaibigang si Congressman Antonio Floirendo Jr., ng Davao del Norte. Matatandaang sabay pang bumalik sa Maynila sina Binay at Escudero sakay ng isang eroplano ng PAL.

May mga nag-uudyok din daw kay Chiz na gumawa ng katulad ngunit lihim na arrangement sa kampo ni Duterte, lalo na sa Mindanao at iba pang lugar na maugong ang pangalan ng alkalde ng Davao City.

Natunugan ng grupong Philippine Crusaders for Justice na kaalyado ni Poe ang sekretong pla-no ng Escudero camp kaya binanatan nila si Chiz sa isang rally sa labas ng Korte Suprema noong Disyembre 29 ng nakaraang taon.        

Doon ay tinawag nila si Chiz na ‘Ahascudero,’ ‘Boy Laglag,’ at ‘Boy Abandona.’

Inungkat ang anila’y pagtataksil ni Chiz sa Aquino-Roxas Team nang isulong ang tambalang Noy-Bi o PNoy-Binay tandem noong 2010 elections.

Ang Oplan BinCudero ay ipinaalam na umano sa mga pangunahing tauhan ng Escudero camp sa ilang rehiyon at probinsiya. Ikakalat ito sa field campaigners ni Chiz sakaling ma-disquaify si Poe.

Ito raw ay upang huwag mademoralisa ang campaigners nila dahil wala na silang masasandalang presidential candidate, na nangunguna ngayon ayon sa pinakahuling survey.

Ayon sa isang political observer, tila inaasahan na ng kampo ni Chiz na matatalo si Grace sa kaso kaya agad nilang pinaghandaan ito.

Pero ang masaklap ay pinaboran ng Korte Suprema sa botong 9-6 si Poe.

Hindi na rin aniya nakapagtataka ang ganitong ginawa ni Escudero dahil kilala na ang senador bilang isang taong walang loyalty kanino man maliban sa kanyang sarili!?

Binanggit niya ang pagbaliktad ni Chiz noong 2010 elections nang ilaglag si Mar Roxas at kumampi kay Binay sa pagka-bise presidente.

Aniya, tinalikuran din ni Escudero ang kapuwa niya Bikolanong si Senador Raul Roco nang isulong si Fernando Poe Jr., sa pagka-presidente noong 2004, gayong higit na may kakayahan  si Roco kompara kay FPJ.

Nilayasan din daw ni Escudero ang kanyang partidong Nationalist People’s Coalition noong Oktubre 2009 nang hindi makuha ang lubusang suporta ni NPC President Danding Cojuangco sa ambisyon niyang tumakbo bilang presidente ng bansa noong 2010 elections.

Hay naku Chiz…change plan ba, ngayong pinaboran si Poe ng Supreme Court!?

Unti-unti nang nakakamit ng Pamilya Ortega ang katarungan

NITONG nakaraang Lunes hinatulan na ng hukuman ang isa pa sa mga akusado sa pagpaslang sa broadcaster at  environmentalist na si Dr. Gerardo “Gerry” Ortega noong 2011.

Si Arturo “Nonoy” Regalado ay hinatulang makulong ng 40 taon (double life sentence).

Noong 2013, hinatulan ng Palawan court ang itinurong gunman na si Marlon Recamata.  

Si Regalado ay dating staff ni Palawan Governor Joel Reyes.

Si Reyes at ang kanyang kapatid na si Mario, dating mayor ng Coron ay kapwa itinuturong mastermind sa pagpaslang kay Ortega.

Sa kasalukuyan ay nililitis na ang magkapatid na Reyes.

Umaasa ang pamilya Ortega, na sa malao’t madali ay masesentensiyahan na rin ang Reyes brothers para maging ganap ang paggagawad ng katarungan kay Doc Gerry Ortega.

Pero ayon kay Michaela, anak ni Ortega, hihilingin nila na si Regalado ay ilipat na agad sa Iwahig Penal Colony.

Anim na taon na ang nakararaan mula nang paslangin si Doc Gerry.

At parang lumalabas na ‘instalment’ ang katarungan para sa pamilya Ortega.

At kahit na instalment, s’yempre wala silang magagawa kundi magpasalamat dahil kahit paano ay umuusad ang katarungan.

Kaysa naman sa wala, ‘di ba?!

Kumbaga, pacifier, para huwag mag-alboroto.

Sana lang ay mahatulan din ang mga ‘utak’ sa pamamaslang, nakatatakot kasi na baka sa bandang huli, ‘e biglang kumalas ang ‘ebidensiyang’ mag-uugnay sa mga Reyes at sa mga nahatulang pumaslang.

Anyway, hangad natin ang tuloy-tuloy na pagpapataw ng kaparusahan sa mga pumaslang at sa mga utak ng pamamaslang.

Sana lang po ay bilis-bilisan naman.

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Aksyon Agad Almar Danguilan

Victory Liner Inc., goes eco-friendly

AKSYON AGADni Almar Danguilan TAMA ang inyong nabalitaan, ang Victory Liner Inc. (VLI), ang top …

Firing Line Robert Roque

Pagod na sa daluyong — kahit pa nasa tasa

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MAKALIPAS ang 10 araw sa detension, pinalaya na nitong …

Dragon Lady Amor Virata

Bayaw vs hipag for P’que city mayor

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MAGBABALIK si formermayor and congressman Edwin L. Olivarez sa …

YANIG ni Bong Ramos

Abolished na police department/s ipinangongolekta pa rin

YANIGni Bong Ramos DALAWANG departamento ng pulisya na matagal na panahon nang abolished ang ipinangongolekta …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Mayor Joy B., muling pinarangalan ng CSC; 4,025 QCitizens, nilektyuran ng QCPD vs terorista, etc.

AKSYON AGADni Almar Danguilan SANA ALL. Ang alin? Sana all ng alkalde sa National Capital …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *