Ang kasalanan ng ama, hindi kasalanan ng anak
Ruther D. Batuigas
February 27, 2016
Opinion
HINDI maikakaila na maganda ang ipinakikitang lakas ni Sen. Bongbong Marcos sa survey ratings kaugnay ng pagtakbo niya para vice president ng bansa.
In fact, patas na sila ni Sen. Chiz Escudero at malakas ang posibilidad na mag-i-improve pa sa mga darating na araw.
Bagamat may mga nagtatangkang sirain ang kanyang takbo, malinaw na hindi na kinikilala o hindi na naaalala ng karamihan ang kalupitan na idinulot sa mamamayan ng panahon ng martial law na idineklara ng kanyang ama, ang yumaong Pres. Ferdinand Marcos.
Pero para sa mga nabubuhay na noong panahong iyon, mahirap iwaksi ang pamamayagpag ng extra-judicial killings at pagpatay sa kalayaan ng pamamahayag, ng pagsasalita at pagtitipon.
Ito ang panahon na naghari ang mga militar at naganap ang sari-saring pang-aabuso. Pati ang mga diyaryo, himpilan ng radyo at telebisyon ay ipinasara.
At ikinulong ang iba’t ibang personalidad na pinaghihinalaang kumikilos laban sa gobyerno, kabilang na ang mga nakaupong opisyal ng bansa. Maraming kompanya ang inagaw sa tunay na may-ari at na-sequester ng pamahalaang Marcos.
Pero sa totoo lang, malaki ang posibilidad na marami sa mga pang-aabuso na naganap,
lalo na sa mga biglaang ikinulong, pinahirapan at inalisan ng kalayaan, ay nangyari nang hindi man lang nalalaman ni Marcos.
Ang nasa likod nito ay mga damuhong tiwaling opisyal ng militar sa panahong iyon.
At hindi rin maitatanggi na ang pagdedeklara ng martial law ay kinakailangan sa panahong iyon upang mapigil ang laganap na krimen at mistulang anarkiya bunga ng mararahas na nagpoprotesta at ralyista. Hindi sila kontento sa simpleng pagra-rally kundi nagsusunog pa ng mga gulong sa kalsada, naninira ng gamit at kotse, at gusto pang pasukin ang Malacañang.
Dahil sa martial law ay nagkaroon ng kapayapaan, nakalalakad ang mga tao sa kalsada nang hindi nag-aalala na may mananakit o manghoholdap sa kanya, nagkaroon ng curfew mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng umaga at nagkaroon ng disiplina sa lipunan.
Tanggapin natin ang katotohanan na kung may kasamaan ay may buti ring idinulot ang martial law. At lahat ng hindi magandang kaganapan ay hindi masisisi sa yumaong Marcos. Ni katiting ng daliri ng mga nasaktan at tinortyur ay hindi niya nakanti.
At pangit din isisi kay Bongbong ang mga hindi kanais-nais na naganap noong martial law. May kasalanan man o wala ang kanyang ama sa mga naganap na pang-aabuso, mga mare at pare ko, maliwanag pa sa sikat ng araw na ang mga kasalanan ng ama ay hindi kasalanan ng anak.
Tandaan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.