4 Chinese drug dealer, 2 pa arestado sa P18-M shabu
Almar Danguilan
February 24, 2016
News
APAT na hinihinalang Chinese drug dealer at dalawang iba pa ang naaresto ng Quezon City Police District-Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Group (AIDSOTG) at District Special Operation Unit (DSOU) at nakompiskahan ng anim na kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P18 milyon, sa buy-bust operation sa Maynila at Quezon City kahapon.
Sa ulat ni QCPD Director Edgardo Tinio, kinilala ang mga suspek na naaresto sa Maynila na sina Dixon Kee Yu, 35; Qian Li, alyas Joey Li, 39; Husni Balenti y Cana, 30; Simon Tan y Tuazon, 53; at Amir Cana y Disomangcop, 27-anyos.
Ayon kay Tinio, nadakip ang mga suspek ng mga operatiba ng DAID SOTG sa pamumuno ni Chief Insp. Enrico Figueroa at Supt. Jay Agcaoili, hepe ng DSOU Unit, sa loob ng Harbor View Parking Lot, sa likurang bahagi ng Luneta Grandstand, Manila, dakong 6:30 a.m.
Nauna rito, halos ilang linggong minanmanan ng DIAD at DSOU ang mga aktibidades ng mga suspek bunga na rin ng impormasyon na malaking sindikato ang grupo na nag-o-operate sa Caloocan, Navotas at Malabon
Naresto ang grupo ng isang pulis na nagpanggap na bibili ng isang kilo ng shabu. Naunang napagkasunduan sa transaksiyon na gagawin ang bentahan sa parking lot ng isang fastfood chain sa Quezon Avenue, Quezon City.
Ngunit para makasiguro ang mga suspek ay nagpalipat-lipat sila ng lugar hanggang humantong ang bentahan sa Maynila.
Sakay ng kanilang kotse, nagkita ang mga suspek at poseur buyer na pulis sa lugar. Nang makaabutan ng pera kapalit ang isang kilo ng shabu ay inaresto ng mga operatiba ang mga suspek.
Sa pagsisiyasat, narekober sa dalawang sasakyan ng mga suspek ang apat pang kilong shabu na nakatakdang ibagsak sa ilan pa nilang parokyano.
Nakompiska rin ang isang Fortuner na may conduction sticker YU 3663, isang asul na Montero Sports (AQA-3092) at buy-bust money na halagang P1 milyon.
Samantala, ang isa pang hinihinalang Chinese drug dealer ay nadakip makaraan makompiskahan ng isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3 milyon street value, sa Quezon City kahapon ng hapon.
Sa ulat ni Chief Supt. Edgardo G. Tino, QCPD Director, kinilala ang suspek na si Michael Ong, 38, tubong-Fukien, China.
Ayon kay Chief Insp. Enrico Figueroa, hepe ng DAID, si Ong ay dinakip makaraan bentahan ng isang kilo ng shabu ang isa sa mga tauhan niyang nagpanggap na buyer dakong 3 p.m. sa harap ng Jollibee sa kanto ng Kamias Road at Anonas Road, Brgy. Malaya, Quezon City.
Bukod sa narekober na isang kilo ng shabu, nakuha rin sa suspek ang marked money na P1 milyon.
11 katao arestado sa buy-bust OPS sa Pandacan
ARESTADO ang 11 katao, kabilang ang isang babae, sa buy-bust operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa Pandacan, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na sina Faustino Aquino, 62; Elizabeth Montalban, 43; John Oliver Abanes, 21; Roberto Bajesa, 41; Dominador Santos, 58; Sammy Elgano, 24; Lark Ocampo, 25; Rommel Balolong, 37; Meguelito Regalado, 30; Jose Rico Tolentino, 31; at Jonathan Apitan, 29-anyos.
Ayon sa ulat ni Supt. Edibelrto Leonardo, station commander ng PS 10 Pandacan, dakong 8 p.m. nang maaresto ang mga suspek sa pagsalakay ng mga awtoridad sa hinihinalang drug den sa 1901 Kahilum II, Pandacan, Maynila.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang pulisya kaugnay sa laganap na operasyon sa droga sa nasabing lugar kaya agad isinagawa ang pagsalakay ng mga awtoridad.
Narekober sa mga suspek ang 12 sachet ng shabu, anim pirasong silver foil, limang pirasong lighter, dalawang glass tube, P3,600 marked money, isang shot gun at isang paltik na baril.
Agad sinampahan ng kaso sa Manila City Prosecutor’s Office ang mga suspek.
Leonard Basilio, may Kasamang ulat ni Queeny Eval