Wednesday , December 25 2024

Bigong-bigo ang EDSA People Power Revolution

PAGLIPAS ng 30 taon saka nagkaroon ng realisasyon ang maraming Pinoy na umasang magbabago ang buhay matapos ang EDSA people power noong 1986.

Ang pakiramdam nila ay hindi simpleng pagkabigo kung hindi malalim na kabiguan.

Maraming mamamayan ang umasa noon na makakamtan nila ang buhay na may dignidad hindi miserable at lalong hindi aasa sa limos ng estado.

Inakala nila na pagkatapos ng EDSA, uprising man ‘yan o revolution, magkakaroon na sila ng regular na trabaho. ‘Yun bang hindi na kailangan makipagtagisan sa management para makamtan nila ang kung ano ang nararapat na para sa kanila.

Disenteng pabahay. ‘Yun bang kapag inilipat sila sa isang malayong probinsiya ay hindi magiging suliranin ang edukasyon, serbisyong pangkalusugan, transportasyon, tubig at pagkain.

Kumbaga, hindi kailangan maging mayaman para maramdaman nila ang dignidad na sila ay nabubuhay nang disente at marangal.

Ganoon lang kasimple ang mga pangarap ng mga lumahok sa EDSA people power para pabagsakin ang pasismo at diktadurya.

Pero kakatwa, na ang mga bida noon sa EDSA ay ilan sa mga haligi ng pasismo sa bansa.

Kaya magtataka pa ba tayo kung bigong-bigo ang mga nangarap na magbabago ang buhay ng maraming mahihirap na Pinoy pagkatapos ng EDSA?!

Ang EDSA uprising ay tagumpay ng OLIGARKIYA hindi ng masa.

Sino ba ang nagtamasa at nagkamal ng yaman pagkatapos ng EDSA?!

Ang naghati-hati at nakakuha ng shares sa iba’t ibang malalaking kompanya at GOCCs (government owned and controlled corporations).

Ilang GOCCs ba ang bumagsak at ibinenta sa pribado?

Noong wala pang EDSA people power, mataas ang suweldo ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ibang bansa.

Pagkatapos ng EDSA people power, bumagsak ang maraming industriya sa bansa at ang mga OFW ay tila naging lima-singko ang trato sa ibang bansa.

Huwag kalimutan ang Kamaganak Inc., maging sports institutions ay hindi na pinakawalan ng mga kama-kamag-anak at uncle-uncle.

Ngayong araw, magsisimula ang selebrasyon ng EDSA people power revolution na siyempre pangungunahan ito ni Pangulong Benigno Aquino III.

Anak siya ni dating Pangulong Cory Aquino na iniluklok pagkatapos patalsikin si Marcos.

Ayon kay PNoy, ang ika-30- anibersaryo ng EDSA ay pangungunahan ng People Power Commission na katatampukan ng “experiential museum.”

Layunin umano ng experiential museum na iparanas sa Pinoy millennial generation ang bangungot ng Martial Law para mamuhi sa mga remnant nito.

Parang horror film o horror story, bubuhayin ang mga bampira, tiyanak, white lady, tikbalang, kapre at aswang para takutin ang ‘batang’ ayaw makinig  na matulog tuwing tanghali.

Naniniwala kasi ang mga nasa likod ng People Power Commission na kaya umano may youth vote si Bongbong Marcos ay dahil hindi nila alam kung ano ang Martial Law.

Hindi ba’t katawa-tawa ang isang Aquino o kanyang mga kaalyado na nagsasalita nang ganito?! Malinaw na insulto ‘yan sa millennial generation.

Wala bang kakayahan ang millennial generation na mag-isip at magsuri kung ano ang tingin nila sa lipunan!?

Ang kasaysayan ba ng bansa ay tumigil pagkatapos ng EDSA people power?!

Nagpapatuloy ang kasaysayan.

Pero ang problema ng mga namuno after EDSA, gusto nilang burahin sa kasaysayan ang sinasabi nilang diktador. Binura nila sa textbook ang kasaysayan ng mga Marcos. Kulang na lang ay huwag siyang ilagay bilang presidente ng bansa.

E puwede bang putulin ang kasaysayan?

Ngayon ay nagkukumahog ang nasa likod ng people power commission para ipaalala ang kahapon?!

Hindi kaya sila mapagkamalang Alzheimer’s disease patient na nagkukuwento ng kasaysayan?!

Araykupo!

Barangay Chairman at kagawad ‘nabili’ na ni Erap?

Isang tagasuporta ni Manila Mayoralty candidate Amado Bagatsing ang naglabas ng hinaing sa atin kamakailan.

Malaki kasi ang pangamba nila na hindi na sila magwawagi sa nalalapit na halalan laban kay Yorme Erap.

Ito’y matapos na malaman nila na ang lahat ng mga barangay chairman at kagawad ay ipinasyal umano sa Ilocos ng Manila Barangay Bureau upang dumalo kuno sa Educational Seminar at binigyan pa ng halagang limang libo (P5,000) ang mga kawatan ‘este’ Kagawad at ang  barangay chairman naman ay sampung libong piso (10,000) pocket money?

Ginamit pa raw ang barangay officials para ipakita na suportado nila ang kandidatura ni Bongbong Marcos bilang bise-presidente?!

Unti-unting nawawalan na ng pag-asa ang supporters ni Bagatsing laban kay Manila Ma-yor Estrada dahil sa galing ng diskarte ng alkalde upang masiguro na wala siyang pagkatalo sa halalan.

 At hindi lang daw mga barangay opisyal ang ‘nabili’ ng Alkalde kundi maging ang mga ka-alyado sa partido ni Bagatsing dahil naglaan na umano ng halagang P300 milyon para sa mga tatakbong konsehal, at kongressman sa bawat distrito ng Maynila.

Tanging himala na lang daw ang pag-asa nila laban kay Erap upang sila’y manalo sa nalalapit na halalan, dagdag hinaing pa ng supporter ni Bagatsing.

Weder-weder lang ba talaga sa Maynila!?

Iloilo Int’l Airport dapat bantayan ng IACAT

MUKHANG mayroong mahigpit na tungkulin ngayon ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para bantayan ang Iloilo International Airport (IIA).

Balita kasi na nagtambakan daw ngayon sa IIA ang ilang ‘unscrupulous immigration and airport officials’ sa nasabing paliparan.

Karamihan umano sa kanila ay mula sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles, Pampanga.

Ito raw ‘yung grupo na madalas makipagsabwatan sa mga sindikato ng human traffickers na ang raket ay magpalabas-pasok ng undocumented foreigners at OFWs sa bansa at iba pang nagkukunwaring turista pero nagpaplanong dito na mamalagi sa bansa.

Hindi na tayo nagtataka kung bakit kabilang ang Iloilo sa walong international airports na mahigpit na pinababantayan ngCivil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

Katunayan kabilang ito sa mga airport na kakabitan ng CCTV ng CAAP sa Immigration area base sa kasunduan nila sa IACAT.

Pipirma sa isang kasunduan ngayong buwan ang  CAAP at IACAT dahil pagtutulungan ng dalawang ahensiya na i-manage ang operation ng CCTV systems na magre-record kung ano ang nangyayari sa immigration counters.

Ang IACAT ay binubuo ng limang government agencies at tatlong private-sector representatives at itinalagang magpatupad ng batas upang pigilan ang human trafficking.

Anong say mo Caloyski Capulong!?

Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com

About Jerry Yap

Columnist at HATAW D'yaryo ng Bayan / CHRONICLE (Customs); National Press Club of the Philippines President (2010-2012), Treasurer (2012), Director (2004-2010) and National Chairman at ALAM (Alab ng Mamamahayag)

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *