IBANG Barbie Forteza ang nasaksihan ng manood sa pelikulang Laut na mula sa pamamahala ni Direk Louie Ignacio Ang naturang pelikula ng BG Productions International ang naging opening film last Friday sa pagsisimula ng Singkuwento International Film Festival na ginanap sa Leandro Locsin Theater ng National Commission for Culture and Arts (NCCA).
Ito bale ang ikatlong taon ng naturang annual filmfest bilang bahagi ng kanilang ambag sa pagpapayabong ng sining ng pelikula.
Sa pelikulang Laut na this month ay sasabak sa dalawang internatiuonal filmfestival (London at Portugal), si Barbie ay gumanap na isang masipag na miyembro ng tribong Sama D’ Laut. Isa siyang batang ginang na nagtitiis sa asawang batugan at isang mabuti at mapagmahal na kapatid na laging handang tumulong.
Sinabi ng Kapuso aktres na proud siyang ma-ging bahagi ng indie film na Laut.
“Mabuti na lang at totoong Sama D’ Laut community ang pinag-shooting-an namin. Kaya nakakahalubilo ko sila, kinausap ko po iyong ilang taga-roon at tinanong ko kung paano sila namumuhay. Sa eight shooting days ko, nakita ko naman kung paano silang namumuhay.
“Kaya talagang nakaka-proud na part ako ng Laut film. Kasi, parang advocacy na rin siya at talagang eye opener sa gobyerno para sa mga Sama D’ Laut,” pahayag ni Barbie.
Paano niya ide-describe ang pelikulang ito?
“Visually ay napakabaho ng pelikula. Iyon talaga ang unang goal namin, ang mapaamoy sa mga manonood ang pelikula at maipakita kung gaano kasipag at gaano katiyaga ng mga Sama ‘D Laut kahit binabalewala sila ng ibang tao, specially ng gobyerno,” wika niya.
Dagdag pa ni Barbie, “Grabeng experience ito para sa akin, iba siyang klaseng pelikula. Kasi, lahat po ng nakita ninyong dumi ng tao sa pelikulang ito, hindi siya props, totoo hong dumi iyon ng tao.
“Bukod pa roon, totoong mabaho iyong lugar, pero sa nakikita ko, masaya ang mga tao roon. Na hindi nila iniinda iyon. Masaya sila kung nasaan sila, kaya parang nawawala na rin iyong amoy, iyong hirap na nakikita ko sa buhay nila.
“Kaya parang at some point ay medyo natuwa ako, kasi, kami iyong unang nag-shooting sa kanila… na sobrang welcoming ng mga tao, madali silang sabihan, madaling pakisahaman… Hindi sila barumbado at mababait silang lahat.”
Samantala, sa naturang pagsisimula ng Sinkuwento International Film Festival ay binigyan ng plaque of recognition ang lady boss ng BG Productions International na si Ms. Baby Go bilang pagkilala sa mga makabuluhang indie films na ginagawa ng kanilang movie company.
Nagpasalamat si Ms Baby sa naturang award at ayon pa sa kanya, umaasa siyang ang kanilang pelikula ay magbigay daan upang ang pamahalaan ay mabigyan naman ng tamang pansin ang mga kababayan nating Badjao na napadpad na sa lahar area sa Pampanga.
“Salamat sa award na ito, sana ang pelikula namin ay maging daan upang ang mga kinauukulan, ang ating pamahalaan ay bigyan ng pansin ang kalagayan ng mga kababayan nating Sama D’ Laut,” nakangiting pahayag ni Ms. Baby.
Bukod kay Barbie, ang Laut tinatampukan din nina Jak Roberto, Ana Capri, Ronwaldo Martin, Perla Bautista, Erika Yu, Felixia Dizon, at iba pa.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio