NANINIWALA si Café France head coach Egay Macaraya na panahon na para sa isa sa kanyang mga manlalaro ng Bakers na si Paul Zamar upang makalaro sa PBA.
Na-draft si Zamar ng Barangay Ginebra San Miguel sa ika-apat na round noong 2013 ngunit hindi siya pinapirma ng kontrata kaya nanatili siya sa PBA D League.
Noong Huwebes ay nagbida si Zamar sa 90-87 na panalo ng Café France kontra Caida Tiles upang umakyat sa ika-apat na sunod na panalo ngayong Aspirants Cup.
“Right now, he is showing na kaya talaga niya maglaro sa next level,” wika ni Macaraya.
Samantala, nasa ikalawang puwesto sa team standings ng D League ang Phoenix-FEU na may tatlong sunod na panalo habang 3-1 naman ang karta ng Tile Masters.
Maglalaban ang Phoenix at Caida bukas, alas-4 ng hapon, sa pagpapatuloy ng Aspirants Cup sa Filoil Flying V Arena sa San Juan.
Unang maghahararap ang UP-QRS-Jam Liner (2-2) at ang Mindanao Aguilas (0-3) sa alas-dos.
( James Ty III )