NAKAHAHAWA talaga ang tapang nitong si Digong Duterte.
Mantakin ninyong siyam na taon naging kinatawan ng Distrito 5 ng Maynila si congressman Tado ‘este’ Amado Bagatsing pero hindi natin narinig ang napakatapang na pahayag na “ALL OUT WAR” kontra ilegal na droga at iba pang kriminalidad.
Sabihin na nating congressman siya at hindi mayor o barangay chairman pero hindi man lang ba siya nakaisip ng ihahaing batas laban sa mga nagpapakalat ng ilegal na droga at gumagawa ng kung ano-anong kailegalan at pamamaslang?!
Nasa ilalim ng kanyang distrito ang Baseco na talamak sa patayan at proliferation ng ilegal na droga.
Sa loob ng siyam na taon na siya ang kinatawan ng Distrito na kinapapalooban ng Baseco, naisip man lang ba niyang makibahagi sa responsibilidad ng local government para sa katahimikan at kaayusan ng nasabing komunidad?!
Uulitin po natin, kahit minsan ay hindi natin narinig kay Bagatsing ang napakatapang na “ALL OUT WAR” kontra droga at iba pang uri ng kriminalidad.
Naging chairman rin siya ng House games & amusement committee pero may narinig ba tayo kay Bagatsing laban sa mga illegal na sugal sa Maynila sa nakaraang dalawang taon?
Madalas ko lang siyang makita na kahuntahan ang isang Eddie Kabayo diyan sa Resorts World. Laging masinsinan ang kanilang pag-uusap.
Ano ba ang pinamimitingan ninyo Ka Amado!?
Ang kampanya ngayon ni Bagatsing ay tila ‘echo’ ng mga nagawa na ni Mayor Alfredo Lim.
Libreng edukasyon at libreng serbisyo medikal?!
Matagal nang ginagawa ni Mayor Fred Lim ‘yan!
Wala ka bang bago? Iba naman!
Panis na ‘yan mga bantang “all out war!”
Wala naman giyera sa Maynila!?
By the way, nasagot na ba ni Bagatsing kung saan niya dinala ang milyon-milyong pork barrel noong siya ay nakaupong congressman?!
Mukhang ‘yan ang dapat pagkaabalahan ni Bagatsing, linawin niya kung saan napunta ang pork barrel na ipinagkatiwala sa kanya bilang Kinatawan ng Distrito 5 ng Maynila.
Dahil kung hindi maipapaliwanag ni Bagatsing ang kanyang pork barrel, tiyak na mayroon siyang kalalagyan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com