SINABI ni Allen Dizon na sa bawat proyektong natotoka sa kanya ay hindi naman siya nag-e-expect na mananalo ng award. Pero ayon sa award winning actor, tinitiyak niya na bawat project na ginawa niya ay ibinibigay niya ang lahat ng kanyang makakaya.
“As an actor, siyempre ay ginagawa ko ang best ko sa bawat project. Passion mo naman kasi ito, kaya dapat ay pagbutihin mo talaga,” paliwanag ni Allen.
Nagkuwento rin siya sa mga pinagkaka-aba-lahang project ngayon. “Magbabalik iyong cha-racter ko sa TV series na Doble Kara. Patay na ako roon, pero parang nagmumulto.
“Ginawa ko iyong Walang Katapusang EDSA ni Direk Alvin Yapan. Tapos iyong Cinemalaya entry na Lando and Bugoy. Eto namang sa BG Productions, gagawin namin itong Area with Ai Ai delas Alas.
“Ang kuwento nito, isang place sa Pampanga na ang tawag ay Area. Bale, red district ito ng Pampanga at si Direk Louie Ignacio ang direktor nito. Ang papel ko rito ay manager, yung nag-aalaga sa mga babaeng pokpok. Si Ai Ai naman, siya yung Mama San. Ako rito ay isang ex-military na inaalagaan ko iyong mga prosti. Ako ang nagbibigay sa kanila ng proteksiyon, na kapag may nabuntis, may kailangang ipalaglag, ako ang gumagawa niyon, ganoon iyong papel ko rito.”
First time mo ba makatrabaho si Ai Ai? “Hindi naman, bale second time na. Una ay doon sa Bongga Ka Boy, with Robin Padilla. Comedy naman iyon at matagal na rin iyon.”
Sinabi pa ni Allen na excited siyang makatrabaho sina Ai Ai at Direk Louie.
“Siyempre, sa una siguro ay maninibago ako dahil first time kong makakatrabo si Direk Louie, although nagkikita kami sa mga festival at napapanood ko ang mga pelikula niya. Pero, excited akong makatrabaho si Direk Louie.
“Of course, pati si Ms. Ai Ai delas Alas! Exci-ted akong makatrabaho siya, kasi Comedy Queen siya, e. Pero eto, seryosong pelikula ito, e. So, kakaiba ang ipapakita rito ni Ai Ai.
“Kaya may kakaibang excitement akong nararamdaman sa project na ito. Especially since sa Pampanga ang shooting nito, doon ako lumaki e. Sigurado ang mga lines, Kapampangan din.”
Inamin din ni Allen na noong kabataan niya ay nagpupunta talaga siya sa Area.
“Noong binata ako lagi akong naroon, ako ang isa sa mga suki roon e,” nakatawang pag-amin ni Allen. “Kaya kabisado ko talaga iyong lugar na iyon. Malapit lang ang bahay ko roon, siguro ten to fifteen minutes away.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio