NAIMBITAHAN kami sa advance screening ng Viva Communications Inc., para sa isa sa mga show nilang ipalalabas ngayong February 15 sa TV5, ang Bakit Manipis ang Ulap? na pinagbibidahan nina Claudine Barretto, Diether Ocampo, Meg Imperial, at Cesar Montano.
Humanga kami sa ganda ng takbo ng istorya at pagkakalahad na hindi naman nakapagtataka dahil pinamunuan ito ng isa sa magaling na director, si Joel Lamangan.
Actually, naiiba ito sa mga napapanood na serye mula ABS-CBN at GMA 7, medyo mabigat ang dating ng Bakit Manipis ang Ulap? pero tiyak na tututukan dahil maganda ang istorya.
Magaling pa rin si Claudine, hindi pa rin nawawala ang galing niya sa pag-arte, bagamat may mga tagpong tila pigil ang pagpapakita niya ng galing lalo na kapag kaeksena si Diet (tawag kay Diether). Halatang inaalalayan niya ang actor at binibigyang pagkakataong makasabay sa husay niya. Dahil kung hindi, tiyak na lamon na lamon si Diet.
Gayunman, nakababahala o nakadi-distract ang nakita naming pag-arte ni Diet. Hindi namin alam kung bakit tila hirap o wala sa tamang emosyon ang ipinakikita ni Diet sa mga tagpong sinalangan niya. May pagkakataong OA ang galit na mukha niya sa sagupaan nila ng kapatid sa amang si Bernard Palanca gayundin nang komprontahin niya ito kasama ang gumanap na ama nilang si Lloyd Samartino at inang si Pinky Marquez.
Sinayang din niya ang maganda sanang pagkaka-deliver ng mga linyang pagpapaalam at paglalahad ng tunay niyang nararamdaman kay Claudine. Hindi niya kasi naipakitang mabuti na nalungkot siya o labis na nagdamdam sa pangyayari.
Tanong tuloy ng ibang kaototo kung may diperensiya ba o may ipinagawa si Diether sa kanyang mukha kaya hindi siya maka-acting ng tama?
Well, sana mabago pa ang acting na ipakikita ni Diether sa mga susunod na tagpo dahil sayang. Maganda ang istorya, ginastusan, at talagang pinag-isipan.
Anyway, congrats sa Viva at sa bumubuo ng Bakit Manipis ang Ulap?. Great job.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio