Pebrero 9: Umpisa ng kampanya sa ‘national’ candidates
Jerry Yap
February 8, 2016
Opinion
BUKAS ay opisyal nang mag-uumpisa ang kampanya para sa mga kandidato sa national level — presidente, bise presidente at senador.
Tiyak na parang piesta na naman…
Umpisa na naman ng bolahan at OPM as in Oh Promise Me.
Malamang lahat ng mga kandidatong magsasalita bukas ay sasabihin na makamahirap sila at mula sila sa hirap.
Ang kanilang programa ay para sa mahirap at lahat ay gagawin nila para iangat ang kabuhayan ng mahihirap.
Muli nilang iaalok ang langit at lupa makuha lamang ang boto ng maraming mahihirap.
At siyempre, gaya nang dati, marami na naman ang mararahuyo sa kanilang matatamis na pananalita at pangako.
Por Dios por Santo, mga suki, huwag na kayong magpaloko!
Kapag nagkamali kayo ngayon, ANIM na taon na naman kayong magdurusa.
Marami na naman tayong maririnig na bagong salita, gaya ng daang matuwid, wangwang, etc.
Idinaan lang tayo sa hungkag na retorika.
Huwag na po tayong magpaloko sa matatamis at patula-tulang pagsasalita.
Tanganan at pangalagaan natin ang ating boto alang-alang sa susunod na henerasyon. Huwag na po sa ating matatanda kundi para sa mga bata.
Ibasura po natin ang TRAPO!
Valte nagalit sa Comelec?
SA bagong ruling na ipinalabas ng Commission on Elections (Comelec) sinasabi na, ”Expressing their (government official) personal opinion, view and preference for candidates on social media is now considered electioneering. Ergo election offense.”
Inangalan umano ni Deputy Spokesperson Abigail Valte ang pahayag na ‘yan ng Comelec.
At ang kanyang pagtutol ay inihayag niya sa kanyang Facebook.
Kaugnay ‘yan ng kanyang hayagang pagtatanggol sa Liberal Party na sinasabing ikinakampanya ng ilang government officials.
Kaya naman ang sabi ng tagapagsalita ng United Nationalist Alliance (UNA) na si Mon Ilagan mag-resign na siya para malaya niyang maikampanya ang Liberal Party (LP).
”Why take to social media to air her gripes about the Comelec’s rule when there is a clear solution to her campaign woes? If Ms. Valte really wants to promote candidates of the Liberal Party, then what is stopping her from doing so?” ‘yan ang mariing pahayag ni Ilagan.
Oo nga naman, mag-resign na siya at isama na niya sina Secretary ‘Papa’ Lacierda, Butch Abad, Procy Alcala, at Donkey este Dinky Soliman na walang ginawa kundi i-promote ang LP gamit ang kabang-yaman ng bayan.
Si Valte ay spokesperson ng Malacañang hindi ng Liberal Party. Pero ang pirming ipinipresenta niya ay LP. At dahil ‘parang’ nagagamit ng LP ang Palasyo kaya siguro nako-confuse na si Valte kung ano talaga ang trabaho niya?!
Ayyayyay… nagmu-multi-tasking na ba kayo riyan sa Palasyo?!
Tsk tsk tsk…
Luging-lugi ang sambayanan sa inyo!
Ginamit pa ni Valte ang ‘freedom of speech’ para pangatuwiranan ang kanyang pagdo-DOUBLE TASKING ha!?
Ang galing ni Madam Valte…
By the way, abogado ka, ‘di ba, Ms. Valte?!
Puwes dapat alam mong government employee ka pa rin at klarong-klaro ‘yan sa bagong ruling ng Comelec.
Klarong-klaro na nag-e-electioneering kayo.
Kung ayaw n’yo namang mag-resign, kuwidaw sa pagsasalita bilang spokesperson ng Palasyo.
‘Yun lang, Madam Valte.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com