INAMIN ng superstar ng Ateneo Lady Eagles na si Alyssa Valdez na lalo siyang ginanahang maglaro kasama ang mga baguhan niyang mga kakampi ngayong UAAP Season 78 women’s volleyball.
Noong Linggo ay nakakuha ng malaking tulong si Valdez mula kina Madeline Madayag at Bea de Leon nang pinataob ng Lady Eagles ang National University, 25-21, 25-19, 25-14, sa napunong Filoil Flying V Center sa San Juan.
Nakalamang ang Lady Bulldogs sa unang dalawang set ngunit kahit paano’y naungusan sila ng Lady Eagles at tuluyang dinomina nina Valdez ang ikatlong set tungo sa impresibong panalo.
Iniakyat ni coach Tai Bundit sina Madayag at De Leon upang palitan ang mga graduate nang manlalaro tulad nina Aerieal Patnongon at Denden Lazaro.
Ayon pa kay Valdez, malaki ang maitutulong ng mga baguhan upang palakasin ang tsansa ng Lady Eagles na makuha ang ikatlong sunod nilang korona ngayong taong ito.
Bukod sa Ateneo, gumawa rin ang mga baguhan ng University of the Philippines nang tinalo nito ang University of the East, 25-20, 25-13, 25-21, noon ding Linggo.
Balanse ang naging atake ng Lady Maroons sa pangunguna nina Nicole Tiamzon at ang mga rookies na sina Diana Carlos at Justine Dorog na gumawa ng tig-siyam na puntos.
Ito ang ika-46 na sunod na pagkatalo ng UE na ang huling panalo nito ay kontra National University noon pang 2012.
Nanguna si Shaya Adorador sa Lady Warriors sa kanyang pitong puntos. ( James Ty III )