NAGDESISYON na ang Fil-Am na guwardiyang si Joshua Torralba na umalis sa De La Salle University para sa UAAP Season 79 men’s basketball.
Sa kanyang post sa Instagram, sinabi ni Torralba na babalik siya sa Estados Unidos upang tapusin ang kanyang pag-aaral sa Texas.
Bukod pa rito ay sinabi niyang wala na siyang ganang maglaro ng basketball dito sa Pilipinas.
Dating manlalaro si Torralba sa Emilio Aguinaldo College sa NCAA noong 2011 bago siya lumipat sa La Salle noong isang taon.
Nag-average siya ng 7.6 puntos bawat laro sa Green Archers sa UAAP Season 78 kung saan hindi sila umabot sa Final Four.
Isang source ang nagsabi sa HATAW Sports na umalis si Torralba sa La Salle dahil ayaw niyang makasama ang bagong coach ng Archers na si Aldin Ayo. ( James Ty III )