ISA ang Senegal sa mga bansang darating sa Pilipinas upang harapin ang Gilas Pilipinas sa FIBA Olympic qualifying tournament na gagawin mula Hulyo 5 hanggang 10 sa Mall of Asia Arena sa Pasay.
Kaya determinado ang mga Senegalese na gumanti sa masakit na 81-79 na pagkatalo nila kontra Gilas sa FIBA World Cup noong 2014 sa Espanya.
“It was a tough loss for us, and it remains in my mind,” wika ng pambato ng Senegal na si Maleye Ndoye sa panayam ng FIBA.com. “Had we won that game, we probably would have avoided hosts Spain in the Round of 16, and we would have advanced to the Quarterfinals, which no African team had ever achieved. But, if we have to face the Philippines again we’ll go for revenge.”
Kasama ang Senegal sa Group A ng torneo na kinabibilangan din ng Turkey at Canada samantala sa Group B naman inilagay ang Gilas, France at New Zealand.
Puwedeng magkaharap ang Gilas at Senegal sa crossover knockout semifinals kung pareho silang susuwertehin sa maiksing group stages kahit mas malakas na bansa ang kanilang makakalaban.
Tanging ang kampeon ng qualifying tournament na ito ang aabante sa Rio Olympics sa Agosto.
( James Ty III )