Boto gamiting kalasag kontra korupsiyon
Jerry Yap
February 3, 2016
Opinion
NANAWAGAN na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa lahat ng botante na iboto ang mga kandidatong may MALINIS na record sa lokal o maging sa antas nasyonal upang tuluyang igupo ang korupsiyon sa bansa.
Ang dapat umanong iboto ng mamamayan ay mga kandidatong maghaharap ng platapormang pambayan o pambansa kung paano lalabanan ang korupsiyon o ang katiwalian.
Gusto natin ang panawagan na ito ni Ombudsman Morales.
Sana lang ay naka-address ito sa lahat.
At sana rin ay nagkakaisa ang Ombudsman at iba pang ahensiya o sangay ng pamahalaan para labanan ang korupsiyon.
Kaya lang, mukhang magkakaiba ng pananaw at panuntunan laban sa koruspiyon ang mga pinuno ng bawat ahensiya at sangay ng pamahalaan.
Dapat mai-establisa ni Ombudsman Carpio-Morales na ang korupsiyon ay korupsiyon at hindi iyong may itinatangi pabor sa bulok na kalakarang ito.
Isang halimbawa riyan ‘yung mga sentensiyadong mandarambong pero pinayagan pa rin ng Supreme Court na makatakbo kahit hindi pa isinosoli ‘yung iniutos ng Sandiganbayan na ibalik niya ang kanyang dinambong sa kabang yaman ng bansa.
Maganda talaga itong panawagan na ito, HUWAG IBOTO ang mga CORRUPT!
Pero sana, suhayan naman ng Ombudsman ang panawagan na ‘yan.
‘Yung mga politikong may asuntong ‘ghost employees’ bakit parang selective ‘yung mga sinibak ng Ombudsman?!
Ano na ang nangyari sa kasong ‘ghost employees’ ng isang ‘ALAM KO PO ‘YUN?
Sa isang banda, dapat talaga nating sundin ang payo ni Madam Conchita Carpio Morales dahil kahit sila mismo sa Ombudsman ay hindi nakapagdedesisyon nang tama at mabilis kung sino ang mga opisyal ng pamahalaan na dapat sibakin dahil mga CORRUPT at TIWALI!
Pero sana, paalalahanan din natin si Madam Conchita Carpio-Morales na bilisan nila ang pagsibak sa mga tiwaling opisyal at politiko nang sa gayon ay hindi na muling makatakbo ang mga HINAYUPAK na MAGNANAKAW at MANDARAMBONG na tinatangkilik ng mga ILEGALISTANG drug dealer, gambling lords, illegal terminal queen, Chinese shabu chemist coddler at iba pa.
Pakibilis-bilisan lang po, Madam Conchita!
‘Tulisang’ pulis sa EPD Anti-Drug Unit
KUNG masigla ang mga anti-drug operations ngayon sa buong bansa ng Philippine National Police (PNP), ibang-iba umano riyan sa bahaging Eastern ng Metro Manila.
Isang tulisan ‘este’ pulis sa anti-drug unit ang madalas pinipitsa lang ang kanyang mga huli.
Sana’y mapansin at paimbestigahan ni PNP-NCRPO chief, Gen. Joel Pagdilao ang talamak na operasyon ng ilegal na droga pero walang maiulat na huli ang pulisya.
Kung meron man ay maliliit na huli lang ang nakakasuhan pero mas marami ang may ‘cash-unduan.’
Paano nga namang makapag-uulat ng huli, ‘e it’s all about money pala.
Masugid daw manghuli, si anti-drug unit police pero walang naipakukulong dahil laging may patong. Hindi palit-ulo kundi palit-pitsa tuwing may masasakote?!
Ipinagmamalaki pa nitong pulis na siya ay bata ng kanilang district director.
Gen. Pagdilao Sir, uulitin ko lang, pakisudsod nga po riyan sa Eastern part ng Metro Manila kung sino ‘yang pulis ninyo na ang lakas umanong mamitsa sa ilegal na droga.
Madali raw makilala ‘yan Gen. Pagdilao, kapag nagBESO-BESO na, ‘yun na ‘yun?!
Anong ‘raket’ meron sa Iloilo International Airport? (Attn: BI Comm. Ronaldo Geron)
MAY isang artikulo ang kumalat kamakailan sa facebook na sinasabing talamak daw ang pamamasahero sa ilang airports sa probinsiya partikular riyan sa Iloilo International Airport (IIA).
Sinasabing tinutukoy daw sa nasabing article ang bagong talagang Immigration Head Supervisor doon na si I/O JEFF PINPIN.
Tuloy-tuloy na raw ang kalakaran o palusutan ng mga pasahero (undocumented OFWs) doon lalo na ang mga Pinay.
Pinaratangan din ng nag-post sa facebook na magkakasama na ang tropapips ni Immigration Officer Pinpin ang ipinadala na sa Iloilo Airport kaya madali raw nakapagpapalusot sa nasabing paliparan!?
What the fact!?
Hindi pa naman confirmed ang balitang ito, pero sana naman ay hindi ito totoo dahil ang masasabi natin dati nang nagkaroon ng issue sa airport na ‘yan sa salyahan ng mga pasahero.
Ang ating obserbasyon, hindi kaya mayroong ilang personalidad na gustong manggiba sa mga nakapuwesto ngayon diyan para muli nilang maibalik ang control sa IIA?
O mas may malalim na operation sa airport na ‘yan at ang mga na-assign diyan ay may mga kuwestyonableng background?
At bakit tila maraming naghahangad na mapuwesto riyan sa IIA??
Ano bang meron sa airport na ‘yan, parekoy?
Hindi kaya gusto rin nilang magka-pitsa agad?
Your guess is as good as mine…
Nagpapakilalang bagman ng MPD Pandacan
ISANG matikas ‘daw’ na pulis-Maynila ang nagpapasikat ngayon sa AOR ng MPD Pandacan Station (PS10).
Siya na raw ang ‘official bagman’ ng naturang estasyon ng pulisya.
Masyado raw sabik na sabik na magkamal ng salapi ang isang alyas ‘TATA RAMOS’ kaya ipinagkakalat na siya ang bagman ng PS 10.
Kaagad daw inikutan ang lahat ng tabakuhan at 1602 operator sa kanilang teritoryo at sinabihan na siya na ang hahawak ng pangkabuhayan ng Diez?!
Umepal raw ang kumag kamakailan nang may arestohin ang mga pulis sa Station 10 sa isang itiniwalag na miyembro ng INC.
Ang hininging gantimpala daw ni Kamote sa pagsama sa pag-aresto ay gawin siyang bagman ng PS-10?!
Sonabagan!!!
‘E sabi ng ilang pulis-Diez, ‘e saling-pusa lang pala ang naging papel niya at nasa gilid lang ng kalsada nang ginawa ang pag-aresto sa dating INC member.
MPD PS-10 commander Kernel Leonardo, totoo ho bang itong si alias ‘TATA RAMOS’ na ang official bagman ng inyong estasyon!?
Pakilinaw lang ho!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com