Puro sila lesser evil
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
January 30, 2016
Opinion
NAKALULUNGKOT na sa dinamirami natin ay wala ni isa man para sa akin ang tumindig na masasabing tunay na karapatdapat na maging pangulo ng bansa. Tulad ng nakaupo ngayon sa Malacañang, puro “lesser evil” at “mediocre” ang kategorya ng mga ibig manirahan sa palasyo ng bayan.
Pansinin na ang isa sa mga kandidato ay malamig na technocrat. Ilang beses na siyang nabigyan ng pagkakataon na pamunuan ang dalawang ahensiya ng pamahalaan pero wala naman naipakita kundi kapalpakan.
Bukod sa kasalatan sa husay ay malakas ang ugong na siya ay ahente ng World Bank at International Monetary Fund. Gayon man, naniniwala ako na siya ang susunod na pangulo ng bansa. Lalong lalaganap ang neo-liberalismo na mas ipaghihirap natin kung maging tama ang aking paniniwala.
Ang sumunod na kandidato naman ay kaliwa’t kanan ang hinaharap na bintang na korupsiyon. Naniniwala siya na walang masama sa dynasty o Kamag-anak Inc., at walang nakikita na “conflict of interest” sa paghawak ng kanyang pamilya sa iba’t ibang nagbabantayan na poder sa pamahalaan.
Ang isa naman na kandidato ay aminado na “human rights violator” at walang mahinahon na asal sa mga hindi niya kakampi. Hindi siya nagdadalawang-isip na pagmumurahin o hamunin ng patayan ang sino man na kaasaran niya. Ano ang aasahan natin sa isang lider na parang sanggano kung umasta at mag-isip? Ito ba ang lider na kailangan natin?
Mayroon naman nag-aambisyon na maging pangulo kahit dati na niyang isinuka ang kanyang pagka-Filipino. Bagito at walang karanasan sa pamumuno at halatang natataranta sa panahon ng presyur. Magpapagoyo ba tayo sa kanya?
Ito namang huli ay malakas ang paniniwala na walang tama kundi siya. Laging atribida at napakataas ang tingin sa sarili. At katulad ng kasalukuyang pangulo, walang siyang kiyeme na hiyain ang isang makursunadahan kahit sa mga pampubliko at espesyal na okasyon. Hindi naman masasabi na wala siyang kahinaan o putik sa mukha.
Kung ganito ang mga ‘lider’ na pagpipilian natin ay tiyak na hindi aahon ang Filipinas sa kinasasadlakan nito na kahirapan. Mananatili ang kahirapan at laging walang kuwenta ang mga tatangan ng poder. Lalong yayaman ang mayaman at mas maghihirap ang ngayon pa lang ay hikahos na.
* * *
Ibig ko pala na ipaalam sa lahat na ang bago kong website,www.beyonddeadlines.com ay puwede nang silipin. Ito ay maglalaman ng mga malalalim na talakayan kaugnay sa mga pangyayari sa ating bayan at iba pa na mahalagang impormasyon para sa pang-araw-araw nating buhay. Sana ay makaugalian din ninyo na bisitahin ang website na ito. Pakikalat ang balita tungkol sa www.beyonddeadlines.comSalamat po.
* * *
Kung ibig ninyo na maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sahttps://www.facebook.com/privatehotspringresort? fref=ts para sa karagdagan na impormasyon o reserbasyon.