MILF dapat sisihin sa pagbagsak ng BBL
Ruther D. Batuigas
January 30, 2016
Opinion
KUNG mayroon man dapat sisihin sa pagbagsak ng Bangsamoro Basic Law (BBL), ito ay walang iba kundi ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nagsusulong upang maaprubahan ito.
Muntik nang makalusot ang BBL kung hindi naganap ang madugong Maguindanao massacre. Dito nabuko sa publiko ang kabuktutan nila dahil sa kamay ng pinagsamang puwersa ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nasawi ang 44 Special Action Force (SAF) commandos na nasa opisyal na misyon sa Mamasapano, Maguindanao.
Kahit nakita nilang unipormado ang mga ito at maliwanag pa sa sikat ng araw na kabilang sa puwersa ng gobyeno ay minasaker nila ang SAF.
Ngayong nawalan ng tiwala ang publiko at maraming mambabatas ang nawalan ng gana na suportahan ito ay malabo na ang tsansa na maisabatas ang BBL.
Mantakin ninyong nagpahayag si Sulu Rep. Tupay Loong, dating commander ng MoroNational Liberation Front (MNLF), na kapag hindi nakapasa ang BBL ay maaaring magkaroon ng “shooting war” dahil hindi nila makokontrol ang mga tao na lumalaban para sa kalayaan at hustisya. Mas madali raw mapipigilan ang mga lumalaban sa gobyerno kung magtatagumpay na maipasa ang BBL.
Ayon naman kay Dep. Speaker Pangalian Balindong, dating lider ng MNLF, kapag namatay ang pag-asa ng mga nagsusulong ng BBL ay maaari itong mapalitan ng mabangis at desperadong mga alternatibo.
Ginawa raw nila ang lahat upang mapigilan ang karahasan na muling maging paraan para maisaayos ang problema. Pero ang pagsisikap nila tungo sa kapayapaan ay nadaig daw ng mga tao na hindi nakaranas ng bangungot na dulot ng armadong sagupaan sa Mindanao.
Gusto ba nilang sabihin na magkakagulo kung wala ang BBL? Ano ito, takutan?
Sa totoo lang, naririyan ang mga puwersa na lumalaban sa gobyerno at hindi naman sila hawak sa leeg ng MILF. Kung tutuusin, ang MILF ay kabilang din sa mga puwersang iyan.
Ang puna nga ng marami, sakali mang naaprubahan ang BBL ng MILF ay may ibang grupo na malamang ay susulpot para magpahayag ng kanilang mga naisin, at patuloy itong magaganap nang paulit-ulit nang walang katapusan.
Kung tuluyang maisasabatas ang BBL, mga mare at pare ko, ay wala itong karapatan na magsarili at dapat manatiling nasa ilalim ng batas at bahagi ng bansa kailan man.
Tandaan!
***
PUNA: ”Sana sa darating na halalan ay hindi madaya si Grace Poe sa bayan ng Sto. Tomas, Pangasinan kung saan noong 2004 ay nabokya ang boto kay FPJ. Napakaimposible na ang isang sikat na FPJ ay walang boto kahit isa, kundi garapalang dinaya ng mga namumuno sa bayan na ’yan.”
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.