SI Ella Cruz, ang Buena mano naming na-interview sa ipinatawag na presscon ng Viva Communications, Inc., at TV 5 para sa bagong season nila sa WATTPAD Presents. Weekly ay apat na nagagandahang episodes ang inyong mapapanood simula ngayong Pebrero sa Kapatid Network.
Ang saya ng atmosphere sa ipinag-imbitang presscon ng isa sa angel naming si Tita Aster Amoyo na punong-puno ng celebrities, entertainment media at bloggers ang buong Music Hall sa Metrowalk Ortigas.
Agad naming inalam kay Ella kung ano ang role niya sa pagbibidahang episode na “Avah Maldita” kasama sina Akihiro Blanco at Donnalyn Bartolome na kilalang “Social Media Sweethearts” mula sa panulat ni Koko Joven ang kuwento ng nasabing episode na masasaksihan ninyo bukas (Sabado) Pebrero 6 mula 9:00 hanggang 10:30 ng gabi.
“Ako po rito si Avah Chen, na half-Chinese at bratty. Pareho po kami rito ni Donnalyn na kapatid ko sa story. Kaya lang ang sad part ay inagawan niya ako ng boyfriend dito which is Neo portrayed by Akihiro.”
Bale pang-apat na pala ni Ella sa Wattpad at komportable raw siyang katrabaho si Aki, dahil mabait at professional. Nag-enjoy naman daw siya kay Donnalyn dahil kalog rin sa set kaya masaya raw talaga sila habang sino-shoot nila ang Avah Maldita na sigurado raw na magugustohan nang lahat ng avid viewers ng Wattpad na isang telemovie.
Samantala, bukod sa kilalang artista si Ella ay popular din ang petite actress sa Youtube na ang dance moves niya ng “Twerk It Like Miley” ay umabot na sa 10 million views.
Humahataw ang dance videos niya para sa “Desert” at worldwide newest hit single ni Justin Bieber na “Sorry.” Nakalimang hit dance videos na raw si Ella at very thankful siya at sinusuportahan siya ng fans sa social media.
Susunod sa Avah Maldita na mapapanood sa Pebrero 13 ang “Mysterious Guy at the Coffee Shop,” ni JC Quin. Bida rito ang super in-demand na “Viva Princess” na si Yassi Pressman at ang talented actor na si Vin Abrenica.
Istorya ito ng isang nerd, na mahilig magbasa at isang popular na lead vocalist ng isang banda. Ano kaya ang mangyayari kapag nagkrus ang kanilang mga landas?
Si Butch Concepcion ang sumulat ng Mysterious Guy at the Coffee Shop. Abangan rin sa Pebrero 20 ang “My Soul Mate” at tomboyish ang role dito ni Bianca King at si Meg Imperial naman ang lead star ng “My Casanova Husband.”
Tatalakayin nito ang tungkol sa tinatawag na “fixed marriages.”
Sa darating na Marso kaabang-abang ang mga susunod na episodes ng “Wattpad Presents” na Mars Valena’s “Mr. Cold Breaker,” Yilin04 (Bookware)’s “Weight for Love,” Jhing Bautista’s “The Filthy, Rich Bitch,” at Vampiremims (LIB)’s “Cupid’s Bedmate.”
Kaya mga bagets don’t fail to watch this gyud!
VJ ARYANNA MAPANONOOD NA SA “MTV TOP 20 PILIPINAS”
Malugod na inihahandog ng Viva Communications, Inc., at ng TV 5 ang “MTV Top 20 Pilipinas.”
Isa itong 2-hour weekly program na nagtatampok ng pinakamaiinit at pinaka-hit na papasok sa Top 20 OPM Songs sa bansa base sa requests ng mga tagapakinig at radio airplay.
Mapapanood na ang MTV Top 20 Pilipinas, na hosted ni VJ Aryanna tuwing Sabado ng gabi sa Kapatid network, simula bukas, Pebrero 6.
Para sa kaalaman ng lahat ang 5’ 6″ beauty na si Aryanna ay isa sa 3 winners noon ng 2014 MTV VJ Hunt. Isa ang MTV Top 20 Pilipinas sa mga orihinal na shows ng MTV Pinoy. Siguradong bibigyan nito ng topnotch musical entertainment ang mga manonood at tagasubaybay ng TV 5. Tiyak na babaguhin din nito ang viewing habits ng kabataang Pinoy.
KARA AT SARAH PINAIIKOT AT PAREHONG PABABAGSAKIN NINA LUCILLE AT ALEX
Paniwalang-paniwala si Kara (Julia Montes) na pinatawad na siya ng madrastang si Lucille (Carmina Villaroel) pero lingid sa kaalaman ng dalaga na tulad ng kanyang kakambal na si Sarah (ginampanan rin ni Montes) ay pinaiikot lang sila ni Lucille sa palad para sabay silang pabagsakin. Ang inaakala ni Sarah na kaibigan at nasa panig na si Alex (Maxene Magalona) ay numero unong kasabwat ngayon ni Lucille. Ang dalawa ang may kagagawan para maengganyo si Sarah na mag-invest sa networking business at matatalo lang ang pera ng dalaga sa nasabing negosyo.
Natutuwa ang babae na pinag-aawayang kambal dahil gusto niya ay maging magulo ang buhay ng magkapatid gayon din ang kanilang Nanay Laura (Mylene Dizon) at Tatay-tatayang si Ishmael (Ariel Rivera).
Mabuti na lang at sa magulong sitwasyon sa pagitan nila ni Sarah at mga kawalanghiyaan ni Lucille ay laging nasa tabi ni Kara si Sebastian (Sam Milby) ang lalaking nagmamahal sa kanya nang tapat at totoo. Pero mukhang nagbabadya na maagaw ni Sarah kay Kara ang binata. Magtagumpay naman kaya siya sa kanyang balak na pang-aakit?
Huwag ninyong i-miss ang mga kapanapanabik na tagpo sa pagpapatuloy ng “Doble Kara” na mapapanood, Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN Kapamilya Gold pagkatapos ng It’s Showtime.
VONGGANG CHIKA! – Peter Ledesma