SAMPUNG bilanggo ang sugatan sa naganap na riot ng grupo ng ‘Bahala Na’ Gang (BNG) at ‘Sigue Sigue Sputnik’ (SSS) sa Quezon City Jail kahapon ng madaling araw.
Sa ulat kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Director, J/Chief Supt. Michael Vidamos Sr., ni J/Supt. Randel Latoza, QC Jail Warden, nagsimula ang kaguluhan dakong 2 a.m.
Ayon sa report, isang inmate na may problema sa pag-iisap na kinilala sa pangalang Jeffrey Daclan, ang nag-umpisa ng gulo makaraang niyang suntukin ang isang medical coordinator ng Bahala Na Gang habang nasa loob ng Medical Unit ng QC Jail.
Nasaksihan ito ng ilang miyembro ng Sigue Sigue Sputnik Gang at dahil inaakalang miyembro nila ang sinuntok, naging mabilis ang pagresbak ng grupo sa BNG hanggang magkagulo na ang dalawang grupo.
Dahil sa kaguluhan, nagliparan ang mga bote at baso na ikinasugat sampung preso.
Naging mabilis ang pagresponde ng mga jailguard kaya agad naagapan ang riot na tumagal lang nang halos tatlong minuto.
Dinala ang mga sugatan sa Health Service Unit para agad malapatan ng lunas.
Aminado ang grupo ng Sigue-Sigue Sputnik gang na napagkamalan lang o “mistaken identity” ang dahilan kaya napag-initan sila ng kabilang grupo.
Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa nasabing insidente upang matukoy kung ano ang tunay na naging dahilan ng riot.