Chiz ‘Heart’ Escudero dumausdos na sa SWS Survey!
Jerry Yap
January 25, 2016
Opinion
AYON sa mga eksperto, sa pinakahuling survey ng Social Weather Station (SWS), statistically tied (tabla) na sina Senator Chiz Escudero at Senator Bongbong Marcos (BBM).
Kung malaki ang iniungos ng rating ni BBM, mula sa dating 19% noong Disyembre ay sumampa ito sa 25%, dumausdos naman ang kay Chiz mula sa 30% ay naging 28% na lamang.
Ang survey na ito ay ginawa nitong Enero 6-10 (2016) na mayroong 1,200 respondents.
Pero hindi lang basta numero ang pinag-uusapan dito. Mas dapat pansinin ang matalinong pagsubaybay ngayon ng mga botante sa pinaggagagawa ng mga kandidato.
Ang pinag-uusapan ngayon ay kung ano ang ginawang mabuti para sa bayan ng isang politikong nag-aambisyong sungkitin ang isa sa pinakamataas na posisyon sa bansa — ang bise presidente.
Nalantad na sa mamamayan ang estilong epal ‘este’ grandstanding at lip service ni Chiz kaya hindi nakapagtatakang dumausdos siya sa survey.
(Pero hindi rin nakapagtataka kung mayroong survey na sisirit ang rating niya sa resulta — posibleng gawin ng kampo Escudero ‘yun para bawiin at ibangon ang kanyang ratings kahit sa propaganda lang, take note lang po).
Nitong Disyembre ay tinatakan si Chiz ng isang grupo ng mga de-monstrador sa Supreme Court na “Boy Laglag” at “Ahascudero.”
‘Yan ay dahil sa nakikita nilang pagdistansiya ni Chiz sa kanyang tandem na si Senator Grace Poe.
‘Yun bang parang ayaw niyang ‘dumiin’ kay Grace Poe?!
Binubuliglig kasi ng disqualification cases ang kandidatura ni Sen. Grace. Inilaglag na ng Comelec ang kandidatura ng Senadora, kaya ang kanyang kaso ay iniakyat na nila sa Supreme Court.
Naniniwala ang mga supporter ni Senator Grace na ibinuyo lang ni Chiz ang anak ni FPJ para magkaroon siya ng tandem sa inaasam na posisyon.
Dahil sa sobrang segurista at pagiging magulang umano ni Chiz, maging ang sinuportahan niyang si Vice President Jojo Binay (remember NOY-BI) ay nilayuan niya nang ‘malublob’ sa upak ng mga kalaban sa kaso ng graft and corruption.
Matagal nang matunog na sila ni VP Binay ang magsasama sa 2016 elections pero sa takot na mahila siya pababa nang nagaganap na krisis noon sa karera ni VP Binay bigla niyang ibinuyo si Sen. Grace na tumakbong presidente.
Kahit na noong mga panahon na ‘yun ay masugid ang panliligaw ng Liberal Party sa Senadora para maging bise presidente ni Mar Roxas.
Mabibitbit nga naman si Chiz ng popularidad ni Sen. Grace.
Sabi nga, the rest is history. Kaya ngayon ay nahaharap si Senadora Grace sa sandamakmak na disqualification cases.
Ano man ang mangyari sa kandidatura ni Sen. Grace, tiyak na tuloy pa rin sa pagtakbo si Chiz.
May bago pa ba sa ganitong asal at gawi ni Chiz?!
WALEY! As in WALA!
Alalahanin na nakapasok sa politika si Chiz nang gamitin niya ang mga Sorsogueño para makapasok sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Naging ‘kinatawan’ siya ng Sorsogon sa Kamara pero sabi ng mga tagaroon ay parang hindi siya naglingkod sa kanyang mga ikinakatawan!?
Ni hindi siya kumibo nang sumabog ang Mt. Bulusan sa Irosin at nang magkaroon ng isyu tungkol sa La Fayette mining sa Rapu-Rapu sa Albay) pero ang apektado ay lugar na pinangingisdaan ng mga Sorsogueño.
Nanatili siyang nakatutok sa mga isyu sa national scene dahil ang kanyang layunin ay umepal at makilala ng sambayanan sa telebisyon.
Sa pagtaas ng bilang ng rape cases sa Bicolandia dahil sa talamak na droga, narinig ba natin ang boses ni Chiz?!
Narinig ba nating kumibo o kumilos si Chiz nang masalanta ng bagyong Nona ang Sorsogon?!
Hindi siya kumibo dahil siya raw ay naglalamyerda kung saan?
Hindi man lang daw niya nagamit ang kanyang pagiging Senador para bumilis ang tulong na puwedeng ihatid sa kanyang mga kababayan.
Ang kagaspangan ng kanyang ugali kapag ‘nakasisisimsim’ ng kanyang paboritong ‘red, red wine’ na ultimo magulang ng kanyang dating girlfriend ay kanyang nababastos raw?
Ang pagkahilig niya rin sa alak ang dahilan kung bakit pinalitan siyang endorser ng isang kompanya ng soriso. Hindi nagmukhang pambata ang kanilang soriso nang iendorso ni Chiz. Mas nagmukha itong pulutan dahil umano kilalang manginginom ang endorser.
(Bakit ba hindi pa alak na lang ang ini-endorse?)
Ngayon, nakapagtataka pa bang dumausdos ang rating ni Chiz sa mga survey?!
Sabi pa ng mga taga-Sorsogon: “Hindi kami nagtataka Ka Jerry, mas nagtataka kami kung bakit hanggang ngayon ‘e atat na atat pa rin siyang magkapuwesto sa gobyerno e hindi naman siya nagseserbisyo!”
Boom, boom, panis, panis ka d’yan Senator Chiz!
‘Rasputin’ ng Parañaque City Hall
Isinusuka ngayon ng mga empleyado ng Parañaque City Hall at maging ng maraming mga mamamayan sa lungsod ang ginagawang pang-aabuso sa kapangyarihan ng isang opisyal doon na kung umasta at mag-utos ay daig pa ang butihing Mayor Edwin L. Olivarez at maging si City Administrator Fernando Soriano.
Nagtataka ang mga nagrereklamong empleyado ng city hall kung saan kumukuha ng yabang at kapal ng mukha ang opisyal na kilalang aso-aso ni dating Mayor Joey Marquez , na bininyagan nilang ‘Rasputin’ ng Parañaque City Hall.
Sa mga hindi nakaaalam, si Rasputin ang pinaka-kinamumuhiang tao sa Russia noong panahon ni Czar Nicholas II, ang huling Czar ng Russia at isa mga dahilan kung bakit napatalsik siya sa puwesto.
Naging sunud-sunuran kasi si Czar Nicholas at ang asawa na si Czarina Alexandra sa mga sablay na payo ni Rasputin na nagresulta sa pagka-pahamak niya at ng kanyang buong pamilya.
Sinabi ng mga nagrereklamo na ganitong-ganito rin ang nangyayari ngayon sa Parañaque City Hall dahil pumopormang little mayor at ang nasusunod sa pamamalakad doon umano ay si ‘Rasputin.’
Kahit kasi may mga iniutos na at pinirmahang papel si Mayor Edwin ay nagagawa pa raw hara-ngin at hindi ipatupad ang mga mga kautusan kung hindi kursunada ni Rasputin ang nakasaad doon.
What the fact!?
Grabe rin ang power trip ng kumag na ‘Rasputin’ dahil gusto niyang siya ang kilalaning boss ng lahat ng mga department head sa city hall, at ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya ay tiyak na sisiraan niya hanggang masibak o ‘di kaya naman ay pulutin sa kangkungan.
Ang ipinagtataka ng mga nagrereklamo ay kung paano nakaporma sa city hall gayong sinusuportahan niya ang anak ni dating Mayor Joey Marquez na si Jeremy, na tumatakbo bilang vice mayor ng lungsod kalaban ng manok ni Olivarez na si incumbent Mayor Rico Golez.
Sa isang lihim na pagpupulong ay idineklara pa raw ni ‘Rasputin’ na kapag nanalong vice mayor si Jeremy ay tiyak na siya na ang susunod na mayor dahil mauulit aniya ang kasaysayan na “Marquez lang ang tatalo sa Olivarez.”
Ogag pala talaga si alias Rasputin?!
Kaya naman binabalaan natin si Mayor Olivarez at si Mayora Janet dahil baka hindi nila alam na may ahas sa kanilang bahay, na kaya hindi takot gumawa ng kabulastugan ay dahil may manok siyang gustong gawin niyang mayor.
Ang isa pang ipinagtataka ng mga nagrereklamong empleyado ay kung paano pang nakapasok sa gobyerno ang ‘Rasputin’ na ‘yan gayong sanrekwang kasong graft ang kinasasangkutan niya maging noong panahon pa ng totoong bossing niya na si Joey Marquez.
Convicted na siya sa Ombudsan dahil sa textbook scam na nangyari noong 1998 at ibinasura na ng Supreme Court ang apela niya sa kaso kaya ang parusa sa kanya ay hindi na siya maaaring humawak ng ano mang puwesto sa gobyerno habambuhay at forfeited din ang kanyang mga suweldo at benepisyo.
Kaya naman marami ang nagtatanong kung bakit nakabalik pa at malakas pa ang loob na pumirma sa mga dokumento na sa huli ay pinangangambahang maaaring magpahamak din kay Olivarez.
Kaya kung ako kay Olivarez, dapat siyang mag-ingat sa ahas na iyan at sibakin na niya agad sa puwesto bago pa siya ipahamak nang tuluyan!
Ano nga ba ang sumisira sa bakal?
Hindi ba kalawang, Rasputin!?
Yvan Navy Burger chain perhuwisyo sa barangay at sa mga motorista!
NAIS ko lang po isumbong ang Burger Chain na YVAN NAVY sa aming barangay, bukod sa PERHUWISYO sa aming barangay, sa panulukan ng SAN DIEGO AT HONRADEZ Ext., dito po sa Balic-Balic, Sampaloc, Manila ay malaking abala din po sa mga motorista. Kasi po ay nasa LABAS na po ng kalsada ang ibang MESA at UPUAN ng DINE-IN customers nila. Dito po nagsisikip ang trapiko para sa mga motorista. Nais ko lang din po ipa-check sa kinauukulan kung may sapat na permit ang naturang burger chain upang magkaroon ng bar na inuman sa itaas ng building na ito. Pag-aari po ito ni Chairman Nestor Martine.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com