Bakit parang tahimik si Chiz sa krisis ni Grace Poe?
Jerry Yap
January 11, 2016
Opinion
NANINIWALA ang inyong lingkod na si Senator Grace Poe ay napalaki nang maayos ng mag-asawang Susan Roces at Fernando Poe, Jr.
Nakikita ito ngayon sa kanyang paninindigan at pakikipagtunggali nang naaayon sa itinatakda ng makatuwiran at makatarungang proseso.
Nakikita natin na ang paninindigan ni Sen. Grace ngayon ay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi maging sa mga susunod na kaso nang gaya sa kanya.
Sabi nga, manalo at matalo man sa isang labanan, ang importante ay lumaban nang parehas at tama.
At ‘yun ang nakikita natin ngayon kay Sen. Grace Poe.
Kaya naman siguro hindi siya iniiwan ng mga naniniwala sa kanya, ng mga humahanga at umiidolo sa kanya at higit sa lahat ng mga taong kombinsido na siya ay isang tunay na Filipino at may karapatan at kakayahang mamuno sa ating bansa.
Sa ilang panahon ng pamamalagi niya sa bansa, nai-establisa niya ang kanyang sarili, hindi lamang bilang anak ni Fernando Poe Jr., at Susan Roces, kundi isang Grace Poe na may kakayahang mamuno, magmahal at lumaban para sa bayan.
Alam nating marami ang naniniwala rito.
Pero, desmayado ang marami nating kababayan sa isang tao na dapat sana ay siyang kasamang naninindigan ni Sen. Grace — ito ay walang iba kundi si Sen. Chiz ‘tumutula’ Escudero.
Sa totoo lang, hindi rin natin napansin ang bagay na ito.
Kinailangan pang mag-text ang isang kaibigan natin upang tawagin ang ating pansin para balikan ang mga nakaraang pangyayari kay Sen. Grace lalo nang sunod-sunod na sampahan siya ng petisyon para madiskuwalipika bilang kandidatong presidente.
Binabalikan natin ang mga pangyayaring ‘yan sa isip pero hindi natin mahagilap kung nasaan si Chiz sa mga krisis na ‘yan ni Sen. Grace?!
Kung mayroon mang pagkakataon na nagpapahayag ng suporta si Chiz kay Grace ‘yan ay hindi kasing sigasig kung ikokompara sa pagpapalabas niya ng kanyang pansariling pa-poging press releases.
Mas beterano sa pasikot-sikot ng politika sa Filipinas si Chiz, kaya ibig lang sabihin na mas sasandig sa kanya si Grace.
Pero ang tanong, nakasasandig nga ba talaga si Grace kay Chiz sa kasalukuyang krisis na kanyang pinagdaraanan?!
Lumalabo ang kandidatura ni Grace pero hindi naririnig ang boses ni Chiz.
Ala-sound of silence nga ang dating ni Chiz sa isyung kinahaharap ni Grace o bigla siyang naging mahiyain!?
Bigla tuloy nanumbalik (na naman) sa alaala natin ang 2004 elections — malinaw pa sa ating alaala nang biglang naiwang mag-isa sa labanan si Da King FPJ.
Talaga bang history always repeat itself?!
Escorts ng VIPs bakit hindi pa inire-recall
KINOMPIRMA man ng pamunuan ng PNP Security and Protection Group (PSPG) na ini-recall na ang 800 policemen na bodyguards ng ilang public at private individuals, nagtataka pa rin ang inyong lingkod kung bakit sandamakmak pa rin ang foreign Casino players na mayroong kasa-kasamang bodyguard sa iba’t ibang casino sa bansa.
Sabi ni PNP-PSPG spokesperson, Supt. Rogelio Simon, nagpadala na sila ng recall letters sa VIPs at mga opisyal na mayroong police escorts.
Sana naman ay epektibo ‘yan agad-agad Kernel Simon.
Pinagre-report na raw ang mga nasabing police personnel sa PNP Headquarters at Camp Crame simula ngayong araw, Enero 11, 2016 para sa accounting.
Ayon kay PSPG chief, Police Chief Supt. Alfred Corpus, ang recalled personnel ay isasailalim sa re-training at madedestino sa key units ng PSPG partikular sa mga vital installation protection unit.
Uy! Dapat talaga ‘yan, Gen. Corpus.
Marami kasi na naging bodyguard ng ilang VIPs ay nahawa sa angas ng kanilang mga ‘amo’ na nanghihiram ng tapang sa sandamakmak na baril.
Bukod pa riyan, pansinin ninyo na marami sa kanila ay naging UTAK-PULBURA na rin.
Hindi lang sa mga foreign casino players. Maging mga nagmamalaking ‘media’ na purol ang mga panulat kaya kinakailangan nilang manghiram ng tapang sa baril.
Ang dami diyan, Gen. Corpus, pakalat-kalat kung saan kaya kailangan talagang isailalim ang mga naging BODYGUARD na ‘yan sa rehabilitasyon.
Dinaig pa kasi ng mga pulis na naging bodyguards ng maaangas ang mga sundalong nakadestino sa West Philippine Sea.
‘Sumisingasing’ kapag nakakita ng tao.
Ingat-ingat lang po sa tabi-tabi!
Anak ng Makati Police notoryus na trigger happy?!
KA JERRY, kami pong mga residente dito sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City ay nangingilag sa isang alyas Francis Niko na naninirahan sa bahay ng kanyang tiyahin sa Camino Dela Fe Extension.
Trip po kasi alyas Francis, nagpapakilalang anak ng isang pulis-Makati, ang walang habas na pagpapaputok ng baril tuwing malalasing.
Noong November 20, 2015, dakong 1:30 ng madaling araw. Nasundan ito ulit dakong alas 3:00 ng madaling araw.
Nag-trip na naman si alyas Francis Niko nang magpaputok nang magpautok ng baril noong November 26, 2015 dakong 3:30 ng madaling araw; noong December 12, 2015 dakong 5:00 ng madaling araw; noong December 25, 2015 dakong 12:15 ng madaling araw at noong madaling-araw na naman ng December 28.
Sa huling insidente po ng indiscriminate firing ng baril ni alyas Franis Niko, pinuntahan siya ni Barangay Chairman Jerry Sunga, at ng ilang tauhan ng pulisya at SWAT at ng isang reporter na taga-TV5.
Pero parang walang anumang nangyari. Na-blotter lamang sa barangay ang insidente ng walang habas na pagpapaputok ng baril ni alyas Francis Niko at tapos na. Kasi nga raw ay maimpluwensiya ang erpat na isang SPO3 sa Makati police.
Marami na pong inosenteng buhay ang nabibiktima ng ligaw na bala. Dapat mapatawan ng kaukulang parusa ang mga trigger happy na gaya ni alyas Francis Niko na tila lumaki ang ulo sa pangongonsinti ng ama.
Makarating po sana ito sa mga kinauukulan. Salamat po, Ka Jerry.
(Masyadong maselan ang isyung ito kaya kailangan po nating ilathala. Gayon man bukas po ang kolum na ito para sa panig ni alyas Francis Niko. Salamat din pos a pagtitiwala sa mga taga-barangay Guadalupe Viejo).
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com