Tampok sa Honor Thy Father si John Lloyd Cruz bilang isang family man na gagawin ang lahat para sa kanyang asawang si Kaye (na ginagampanan ni Meryl Soriano) at sa kanilang anak na si Angel (ang baguhang si Krystal Brimner). Nasangkot kasi ang pamilya sa matinding problemang pinansiyal matapos bumagsak ang networking investment business ni Kaye. Mula noon ay nalagay sa panganib ang buhay ng mag-anak.
Itinuturing ni John Lloyd na exciting ang unang pagsabak sa MMFF. “Kakaiba ang pelikula namin,” aniya tungkol sa Honor Thy Father. Dagdag niya, “Tumataya kami. Parang ‘testing the waters.’ Nakaka-excite. Maraming manonood na nagsasabi na gusto nilang makapanood ng bago o kakaiba.
“Ngayon, binibigyan namin sila ng choice. Gusto kong malaman kung anong magiging pagtanggap ng mga viewer sa aming pelikula.”
Nagkaroon ng world premiere ang Honor Thy Father sa 2015 Toronto International Film Festival. Umani ito ng papuri. Itinanghal ito ng The Hollywood Reporter bilang isang “strong portrait of inequality and vigilante justice in modern Philippines by filmmaker Erik Matti.”
“Suntok sa buwan na makasali kami,” pag-amin naman ni Direk Erik. “And yet confident pa rin kami dahil si John Lloyd ang aming star. Hindi puwedeng i-dismiss ng screening committee si John Lloyd,” dagdag pa niya.
Napabilang sa wait list ang pelikula noong ginawa ang unang announcement ng mga official MMFF 2015 entries. Ayon sa mga insider, hindi napili ang Honor Thy Father dahil hindi raw nababagay ang tema nito sa Kapaskuhan. Mapangahas ang Honor Thy Father para sa panlasa ng mga miyembro ng screening committee. Gayonman, nakapasok rin ang pelikula, naging official MMFF entry ito nang nag-back out ang isa sa mga naunang napili.
Marahil tadhana na ang nagdikta na magkaroon ng isang John Lloyd Cruz starrer sa MMFF. Marami-rami na rin ang mga pelikulang ginawa ni Direk Erik na nakasali sa MMFF, pero sa halos dalawang dekada ni John Lloyd sa showbiz ay ngayon lang nagkaroon ang aktor ng MMFF entry.
Ang Honor Thy Father ay official entry sa 2015 Metro Manila Film Festival, ipalalabas sa mga sinehan nationwide simula ika-25 ng Disyembre. Para sa updates tungkol sa Honor Thy Father, mag-log on sa facebook.com/honorthyfatherfilm.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio