VIP trato kay Pemberton ayaw man natin ito
Ruther D. Batuigas
December 5, 2015
Opinion
AYAW man nating mga Filipino ay wala tayong magagawa kung VIP treatment man ang ibinibigay kay US Lance Corporal Joseph Scott Pemberton, sa kabila ng katotohanang convicted sa kasong homicide sa pagkasawi ng transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong 2014.
Noong Martes ay hinatulang guilty si Pemberton ng Olongapo RTC Branch 74 at itinakdang makulong ng anim hanggang 12 taon. Ang utos ng husgado ay dalhin si Pemberton sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa, pero hindi pumayag ang US security escorts na kanyang kasama at nakipagmatigasan sa loob ng dalawang oras.
Natapos lang ito nang pumayag ang judge sa mosyon na isinampa ng mga abogado ni Pemberton na maibalik sa AFP custodial center sa Camp Aguinaldo, na pinagkulungan sa Amerikano nang mahigit isang taon.
Para sa kaalaman ng lahat, bilang kawal ay nasasakop si Pemberton ng Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng gobyerno ng Filipinas at Amerika. Kaya sa lugar na napagkasunduan ng dalawang bansa bubunuin ni Pemberton ang kanyang sentensiya, at ito ay sa Camp Aguinaldo sa ilalim ng pangangasiwa ng Bureau of Corrections (BuCor).
Natural lang na masama ang loob ng kampo ni Laude na naibaba sa homicide mula murder ang kaso. Nauna nang umamin si Pemberton sa pagsakal niya kay Laude, pero hindi sa pagpaslang dito. Self-defense raw ang naganap nang matuklasan niyang lalaki at hindi babae ang kanyang katalik.
Ang nagsisilbing konsuwelo na lang sa pamilya Laude ay nasentensiyahan ang dayuhang kawal. Hindi rin nila puwedeng pakialaman kung saang lugar ikukulong ang hinatulan.
Mantakin ninyong ipaaayos pa raw ang selda na paglilipatan kay Pemberton dahil sa kahilingan ng Amerika, na tutulong din sa magagastos sa ipagagawa.
Ang kasalukuyang kulungan niya na isang air-conditioned 20-footer container van ay hindi pa nila nagustuhan. Binabantayan ito ng 18 prison guards, na tig-anim ang naka-duty na tatlong shift araw-araw.
Bukod diyan ay may security rin siyang mga Amerikano.
Sa paglilipat ng selda ay kasya raw ang 50 preso. Pipinturahan ito, kakabitan ng CCTV cameras, barbed wire at pinaniniwalaang lalagyan din ng air-con.
Iba rin ang kinakain ni Pemberton sa pangkaraniwang preso dahil inihahatid ito sa kanya ng mga Amerikano tatlong beses isang araw. Pinapayagan daw nila ito at nauunawaan kung hindi magustuhan ng Amerika ang nakatokang P50 na budget sa pagkain ng bawat preso sa araw-araw, ayon kay BuCor Director Ricardo Rainier Cruz.
Obligado umano sina Cruz na sundin ang gusto ng Amerika kaugnay ng tamang pamantayan sa pagkakakulong ng mga preso sa ilalim ng VFA.
Sa totoo lang, mga mare at pare ko, dapat unawain natin na tungkulin ng gobyerno ng Filipinas na sumunod sa VFA dahil pumasok tayo sa kasunduang ito. Kung walang VFA at naganap ang krimeng ito ay obligadong sumunod ang Amerika sa mga batas ng ating bansa.
Tandaan!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.