Pari sa Davao City kakampi ni Duterte
Percy Lapid
December 4, 2015
Opinion
KINAMPIHAN ni Monsignor Paul Cuison, vicar general ng Archdiocese of Davao, si Mayor Rodrigo Duterte sa gitna nang pagbatikos ng mga Katoliko sa pagmumura ng alkalde nang maipit sa trapiko habang nasa bansa si Pope Francis.
“You got to know Digong more, for you to understand the meaning of what he said. I noticed that the curse was directed to the heavy traffic and the sacrifice of the people,” ayon kay Cuison.
Hindi aniya dapat unawain nang literal ang sinabi ni Duterte.
At kung tayo ang tatanungin, mas pipiliin ko na ang nagmumura kaysa naman nagbubulsa.
Aanhin natin ang matimtimang opisyal sa gobyerno kung ang bisyo nama’y gahasain ang kaban ng bayan.
Publiko, niloloko ni Mang ‘Six-Tong’
NAKATATAWA ang tila pagka-desperado ni dating Comelec chairman Sixto Brillantes na sumipsip kay presidential bet Sen. Grace Poe kaya kahit lihis sa katotohanan ay ipipilit niya.
Ayaw kilalanin ni Brillantes ang kapangyarihan ng Comelec na nagdiskuwalipika kay Poe samantala ang poll body lang ang may karapatang gawin ito.
Ipinipilit ni Brillantes, ang Presidential Electoral Tribunal (PET) lang ang puwedeng magpasya sa kuwalipikasyon ng Pangulo.
Susme, si Poe ay hindi pa nananalong Presidente, kundi kandidato pa lang kaya ang Comelec ang may hurisdiksyon sa pagdetermina ng kanyang kuwalipikasyon bilang presidential bet.
Uubra lang na umeksena ang PET kapag nanalo na si Poe at nakapanumpa na bilang pangulo ng bansa.
Iyan ang katotohanan na pinipilipit ni Brillantes baluktutin para paboran lang si Poe.
Kaya huwag nating paniwalaan ang isang bayarang bulaang propeta na walang ginawang tama sa Comelec.
Human trafficking ni ‘Tsap Tsing’ sa NAIA
NGAYON na si Associate Commissioner Gilbert Repizo na ang officer-in-charge sa Bureau of Immigration (BI), marami ang nag-aabang sa kanyang paglilinis sa mga basurang pinayagang maglipana ni Commissioner Siegfried Mison.
Dapat unahin ni Repizo ang pagpapaimbes-tiga sa talamak na human trafficking activities ng isang Tsap Tsing na matagal nang alaga ng kanyang pinalitan.
Ginagamit daw ni Tsap Tsing ang isang opisina sa BI para sa operasyon at imbakan ng nagsisilbing propaganda material ni Mison.
Pero hindi libre ang pagpapapogi kay Mison dahil ang kapalit nito’y ang human smuggling operation ni Tsap Tsing sa NAIA.
Bulong ng impormante sa atin, umaabot sa anim hanggang walo ang Chinese na ipinupuslit ni Tsap Tsing mula sa mainland China kada araw.
Hindi nakapagtataka ang balitang mistulang puyat na unggoy ngayon si Tsap Tsing sa kaiisip kung paano magkakaroon ng koneksiyon kina Repizo at Justice Secretary Alfredo Caguioa.
Balita pa natin ay hindi mahilig sa publisidad o gimik sina Caguioa at Repizo kaya hindi lulusot ang pakulong peryo-dikit ni Tsap Tsing.
Tiyak na si “Tom Jones” ang magiging favorite singer ngayon ni Tsap Tsing.
Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected]