Kawawa naman tayo
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
December 4, 2015
Opinion
NAKALULUNGKOT na walang mapagpilian sa mga kandidato para sa pagkapangulo. Lahat sila ay mahina at walang tunay na kakayahan na mamuno. Mababaw ang kanilang kaalaman kaugnay ng tunay na kailangan natin na mga mamamayan. Ang tanging talento nila ay ang pagiging marubdob sa pagsusulong nang pansariling interes o agenda ng kanilang dayuhan na padron.
Pansinin na ang isa sa mga kandidato ay technocrat na kung ilan beses nabigyan ng pagkakataon na tumangan ng ahensya ng pamahalaan. Gayon man sa panahon ng kanyang panunugkulan sa mga institusyon na ito ay wala siyang naipakita na galing o pagbabago man lamang at bagkus lalong sumama ang takbo ng mga ahensya na ito.
Bukod sa kasalatan sa husay ay malakas ng ugong na ahente siya ng World Bank at International Monetary Fund. Hindi malayo na kapag siya ang naupo sa poder ay lalong lalaganap ang neo-liberalismo na lalo’t lalong ipaghihirap natin.
Ang isang kandidato naman ay malinaw na oportunista at warlord. Kabi-kabila ang bintang ng korapsyon laban sa kanya. Walang delikadesa na sinuportahan ang buong mag-anak para maluklok sila sa poder. Ano ang aasahan natin sa isang lider na ang iniisip lamang ay kapakanan ng kaniyang pamilya? Para sa maganak na ito ay walang masama sa pagtatayo ng isang dynasty.
Ang isa pa rin na kandidato ay aminado na human rights violator at walang mahinahon na asal lalo na sa mga tao na hindi niya kakampi. Hindi siya magdadalawang isip na pagmumurahin o patayin ang sino man na kaasaran niya. Ano ang aasahan natin sa isang lider na parang sanggano sa kanto kung magisip? Ito ba ang lider na kailangan natin?
Mayroon naman na nagaambisyon na maging pangulo kahit dati na niyang isinuka ang kanyang pagkamamamayan Filipino. Matapos maging sikat dahil sa ilan na pangyayari ay naghahangad na siya ngayon na maluklok sa trono. Bagito at walang karanasan sa pamumuno at tanging apelyido lamang ang puhunan niya. Magpapagoyo ba tayo sa kanya?
Ito naman na huli kong bibigyan pansin ay malakas ang paniniwala na walang tama kundi lagi siya. Napakataas ng tingin sa sarili gayon na hindi naman masasabi na walang kahinaan o putik sa mukha. Handa rin itong makipagtandem (nakipagtandem na nga) kahit kanino maiposisyon lamang ang sarili. Sa madaling salita, wala rin itong prinsipyo kahit pumupustura na mayoroon.
Haaaay kawawa naman tayo bayan. Sa dinami-rami natin, halos mahigit 100 milyon na tayo, ay wala tayong mapagpilian na hindi masasabing lesser evil. Parating segunda o tersera klase ang mga namumuno sa atin.
Bakit kaya wala na yung mga tulad nila Don Claro Mayo Recto, Dr. Jose P. Laurel, Sen. Jose Wright Diokno, o Sen. Lorenzo Tanada?