ITINUTURING ni Kayla Acosta na biggest break niya ang pelikulang Angela Markado na pinagbibidahan ni Andi Eigenmann. Ito ay mula sa Oro de Siete Films at sa direksiyon ni Carlo J. Caparas.
Si Kayla ay 23-year old na graduate ng Ateneo. Una siyang lumabas sa Maratabat ni Direk Arlyn dela Cruz na prosecutor ang naging papel. This time, isa namang policewoman ang ginampa-nan ni Kayla. “Ako po ay isang police na hahawak sa kaso na masasaksihan sa pelikula,” saad ng talented na anak ni PAO Chief Atty. Persida Acosta.
Dagdag niya, “Technically, second movie ko po ito. But I consider Angela Markado as my break since it will be screened in mainstream cinema.”
Ano ang masasabi mo sa mga kasama mo sa Angela Markado at kay Direk Carlo? “Sa mga kasamahan ko, madali silang i-reach out kaya nagbe-blend talaga kapag may eksena na. Kay Miss Andi bilang bida at biktima, nagawa niya nang mahusay ang role and hoping na tangkilikin ito ng audience dahil hindi basta-basta ang pagganap niya sa pelikula. “Si Direk Carlo naman po, sasabihin niya kung ano ang kulang at ano ang atakeng gagawin sa eksena. Magtuturo siya hanggang may insights kang makukuha. Sobrang thankful ako sa kanya.”
Gaano ka-supportive ang mom mo sa iyong acting career? “Sobrang supportive po niya,” saad ni Kayla na napapanood sa play na Teacher M, Pangarap Kong Maging Ikaw ng We RD Productions.
Ang Angela Markado ay palabas na sa Dec. 2 at tinatampukan din nina Paolo Contis, Jeffrey Quizon, Polo Ravales, Felix Roco, CJ Caparas, Bembol Roco, Bret Jackson, Ana Roces, Marita Zobel, Buboy Villar, Mika dela Cruz, PAO chief Persida Acosta, at iba pa.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio