Sa talumpati ni Concio sa harap ng pinakamahuhusay na TV producers, creatives, at talents sa mundo, sinabi nitong marami sa mga programa ng ABS-CBN ang napapanood sa iba’t ibang bansa, patunay sa kasalukuyang ‘globalized environment’ ng broadcasting industry.
“Kami ay nagpapasalamat dahil sa pamamagitan ng aming mga programa, naipakikita namin sa mundo ang tunay na yaman ng aming bansa. Iyon ay ang pagpapahalaga sa pamilya at tatag bilang mga mamamayan,” ani Concio.
Iginiit niya rin ang papel ng telebisyon ngayon sa mga manonood. Isa na rito ang pagsisilbing tulay para mas lalong maunawaan ng isa’t isa ang nararamdaman at pinagdaraanan ng bawat lahi sa kani-kanilang mga bansa.
“Kapag sila ay ating lubusang nakikilala, mas madali sa atin ang magmalasakit sa kanila. Mas may pakialam tayo sa kuwento ng kanilang mga puso, pag-abot ng pangarap, paghingi ng katarungan, pagdiriwang ng tagumpay, at iba pang laban ng buhay. Mas kakaunti ang away at hindi pagkakaunawaan kung mas may malasakit tayo sa isa’t isa,” paliwanag nito.
Ayon pa kay Concio, hinihimok din ng telebisyon ang bawat isa na magkaisa sa kabila ng mga pagkakaiba lalo na sa kasalukuyang panahon na kaliwa’t kanan ang banta ng terorismo.
“Sa panahon ng takot, tayo ay nagkakaisa sa pagdarasal. Kaya naman ang buong mundo ay nai-inspire na magtulungan at magkapit-bisig,” aniya.
Bukod kay Concio, naroon din si Piolo Pascual bilang presenter ngBest Telenovela category kasama si Karla Mosley ng The Bold and the Beautiful.
Bago ang awards proper, rumampa muna ang dalawa sa red carpet at nagpa-interview sa international press. Elegante ang suot na terno ni Concio na gawa niCary Santiago, habang si Piolo naman ay pang-international star ang dating suot ang suit.
Ang pagiging bahagi ng dalawa sa International Emmy Awards ay maituturing na milestone sa Philippine broadcasting history. Isa itong pagkilala sa kung paano kayang pumantay ng Filipino content sa global standards.
Kinikilala ng International Emmy® Awards ang pinakamahuhusay sa larangan ng telebisyon mula sa buong mundo. Ngayong taon, ginawaran nito ng Special Awards sina Julian Fellowes, ang creator at writer ng Downton Abbey (Founders Award) at Richard Plepler, ang Chairman at CEO ng HBO (Directorate Award). Dinaluhan din ang pagtitipon ng international stars gaya ng aktor na si Michael Douglas, Elizabeth McGovern ng Downton Abbey, Tovah Feldshuh ng The Walking Dead, Patina Miller ng The Hunger Games, at Lea DeLaria ng Orange is the New Black, na ilan lamang sa mga naging presenter.
Ilang beses na ring nakasungkit ng nominasyon ang mga programa at personalidad ng ABS-CBN sa International Emmys, kabilang na ang MMK (Best Drama Series, 2013), Jane Oineza for MMK (Best Actress, 2013), Precious Hearts Romance spresents Impostor (Best Telenovela, 2011), Dahil May Isang Ikaw (Best Telenovela, 2010), Sid Lucero for Dahil May Isang Ikaw (Best Actor, 2010), Kahit Isang Saglit (Best Telenovela, 2009), and Angel Locsin for Lobo (Best Actress, 2009).
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio