“Ang Child Haus ay punong-puno ng emosyonal na aspeto. Hindi kami nagpapaiyak sa pelikulang ito, pero siguradong mararamdaman mo ang bawat karakter sa loob ng Child Haus.
“Ipinakita ko rito ang mga totoong nangyayari sa loob ng Child Haus, mga paghihirap ng bawat may leukemia at kung paano sila makakaraos sa malalaking gastos para sa kanilang medikasyon. Hindi nila alam kung hanggang kailan sila tatagal, depende sa mga mabubuting taong tumutulong sa kanila. Mapapanood nila lahat iyan sa pelikula,” paliwanag ni Direk Louie.
Ang pelikulang Child Haus ay hinggil sa temporary shelter ng mga batang may sakit na cancer na itinayo ni Mother Ricky Reyes. Tinampukan ito nina Katrina Halili, Therese Malvar, Mona Louise Rey, Miggs Cuaderno, Felixia Dizon, Erika Yu, Ina Feleo, at iba pa.
Paano niya naisip na gawin itong pelikula?
Sagot ni Direk, “Kasi, involved ako sa Child Haus e. Every Christmas, New Year, nagdadala ako ng candies doon. Kaya nagkaroon ako ng idea at nai-feed ko ito sa kanila. E si Ms. Baby, first time niyang marinig, so ginawan namin ng movie. Ang sarap ng feeling kasi, with this movie makakatulong pa tayo, di ba? Maipagkakalat mo pa na, ‘Uy may Child Haus! Mag-donate naman kayo.’ Ganoon, e”
Mabigat ba sa dibdib habang ginagawa niya ang movie? “Light ang treatment, parang kuwentuhang bata, ganoon lang ang makikita mo at hindi heavy. Iyong manonood ang makaka-feel ng pagkabigat, pero yung acting ng mga bata, yung pagka-shoot ko, very-very light lang. Hindi complicated yung pagkakagawa.
“Ang ending mo, may pagkamabigat at may pagkamasaya. ‘Yung tipong, ‘Makapag-donate nga dito sa Child Haus.’ Ganoon yung mafi-feel mo, kasi ipinakita namin dito, ‘yung totoong Child Haus.”
Ano’ng satisfaction ang naibibigay sa kanya ng pagiging indie direktor?
“Simula nang gumawa ako ng indie films, paulit-ulit kong sinasabi na ang mga pelikulang ito na ginagawa ko ngayon ang iiwan ko sa mga Filipinong manonood. Para at least, bago ako mawala sa industriyang ito ay may iiwanan akong mga makabuluhang pelikula tulad ng Asintado, Child Haus, at Laut.”
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio