Tapos na ang APEC (Yeheey!)
Jerry Yap
November 20, 2015
Opinion
NAGWAKAS na nga ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit.
Ang sigaw ng sambayanang Pinoy… yeheeey!
Kahapon ay nagmistulang garrison noong panahon ng Japanese occupation ang Intramuros, Maynila.
Nag-abiso naman sila, pero wala namang saysay ang abiso kung walang alternatibo, hindi ba?
Gaya ng ginawa nila nitong nakaraang Lunes, nagsara sila ng mga kalsada pero hindi malinaw sa commuters at motorista kung alin o nasaan ang mga alternatibong daan.
Para tuloy nagkaroon ng death march mula sa Coastal Road hanggang sa Buendia via Roxas Blvd.
Pero higit na dapat tayong maging concern, kung ano nga ba ang mahihita natin sa P10-billion APEC Summit na ‘yan?!
Kahit naman, araw-araw mag-APEC Summit kung wala naman mismong plano ang gobyerno para sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mas maraming mahihirap na Filipino, mararamdaman ba natin ‘yang APEC na ‘yan?!
Ramdam lang ‘yan ng maliliit nating mga kababayan dahil ilang araw silang nagutom. Ilang araw silang hindi nakalabas para maghanapbuhay.
Kaya kung utang ‘yang ginastos na P10 bilyon sa APEC, malinaw na malinaw, dagdag-pasanin ‘yan sa mga taxpayer.
Habang ‘yung mga kababayan natin na sabi nila ay jobless at hindi raw nagbabayad ng tax ay nabaon sa utang sa tindahan (buti sana kung may nagpapautang pa, e ilang araw nang walang kayod). Baka marami sa kanila nagtiyaga na lang sa isang 3-in-1 na kape itinimpla sa isang pitsel para hati-hati silang mag-anak bilang almusal.
Saka lalabas ng bahay para magdelihensiya para naman sa tanghalian.
‘Yung hapunan… pwede nang memorize na lang, tutal matutulog na naman.
Habang ‘yung mga nasa APEC, halos wala nang mapaglagyan ang mga bundat na tiyan.
‘Yan po ang kabalintunaan ng APEC.
Maging pampalubag na lang sana ng gobyernong ito na maging tapat sa mamamayan na mag-ulat sa bayan pagkatapos ng APEC Summit.
Bukod sa gastos, sana makapagpakita rin ng listahan ng mga kasunduan kung ano talaga ang nahita ng isang bansang gaya natin sa Summit na ‘yan.
Huwag sanang dumating ang sandali na kapag may nagtanong kung ano ang nahita natin sa APEC, ang isasagot lang mga nasa gobyerno ‘e, “KAILANGAN PA BANG I-MEMORIZE ‘yan?!”
‘Yun lang!
MTRCB deputy card holders nagtatrabaho ba nang tama?!
AKALA natin noong una, iilang tao lang ang binibigyan ng ganitong pribilehiyo — ang maging Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Deputy Card Holder.
Kapag mayroon kasing MTRCB Deputy Card Holder, siya dapat ay nakatutulong sa pagpapatupad ng Presidential Decree 1986.
Ito ‘yung batas na bumuo sa MTRCB at ‘yung nagbabantay kung walang nakalulusot na programa sa pelikula at telebisyon na lumalabag sa mga itinatadhana ng batas.
Kapalit nito, ang MTRCB Deputy Card Holder ay pinapayagan pumasok sa mga sinehan (dito lang po sa bansa natin) na walang bayad basta ipakikita ang kanyang ID.
Puwede siyang magsama ng isang tao na hindi rin magbabayad (libre) bilang witness sa kanyang monitoring compliance kung mayroong nakitang mga paglabag.
Ito po ngayon ang tanong, ilan ba talaga lahat ‘yang naisyuhan ng MTRCB Deputy Card?!
Kung hindi tayo nagkakamali ay halos 6,000 indibidwal daw ang nabigyan ng ID na ‘yan.
Ayon nga sa ating source, halos lampas sa kalahati ng Kamaganak Inc., ang nabiyayaan ng deputy card na ‘yan. Totoo ba ‘yan?
Nakita rin natin ang ID card ng mga MTRCB Deputies, talagang masasabi nating magandang klase. Magkano kaya ang ginastos diyan?!
At ang pinaka-importanteng tanong, nagtatrabaho ba naman sila? Sulit ba ang budget na inilalaan ng MTRCB sa 6,000 deputy cards na ‘yan?!
MTRCB Chairman Eugenio “Toto” Villaruel, puwede bang isapubliko ninyo kung ilan sa 6,000 deputy card holder na ‘yan ang nagtatrabaho?!
Huwag na ninyo ipakita ang pangalan nila. Ipakita n’yo na lang kung mayroon silang nagagawang report.
Hihintayin po namin ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com