KUNG mahilig kayong mag-Facebook o mag-YouTube, tiyak na isa kayo sa nakapanood na ng mga video ni Dyosa Pockoh. Siya ‘yung baklang mahilig mag-video ng sarili habang naka-one-piece at gandang-ganda sa sarili.
“June 2014 ‘yung kauna-unahan kong video na ginawa. Ito ‘yung Boring day ang pamagat o ‘yung gandang-ganda sa sarili ko na kamukha ko si Anne Curtis.
“Paborito ko kasi si Anne at kapag sumasali ako sa mga Ms. Gay, ako si Anne Curtis kaya hangganga sa video na ginagawa ko siya pa rin ang idol ko,”kuwento ni Dyosa na tubong Lemery, Batangas at isa na sa mga bida sa pelikula ni Direk Wenn Deramas, under Viva Films, ang Wang Fam.
“Sa video kong iyon, ‘yung iba natuwa, pero mas marami ang nagalit. Pero thankful ako sa mga nag-bash dahil talagang nag-share sila ng nag-share ng video ko kahit gusto na nila akong patayin sa FB \
“Ang mga pamagat nga na inilalagay nila pag isine-share eh, ‘pag nakita ko ang baklang ito papatayin ko ito’ o ‘kung gusto n’yong masira ang araw n’yo panoorin n’yo ito.’ Kung hindi dahil sa pamba-bash nila hindi kakalat ‘yung video ko,” kuwento pa ni Dyosa na tapos ng Fine Arts sa UE Manila.
Hindi napigil ng bashing ang paggawa ng video ni Dyosa dahil aniya, ”Tuloy-tuloy lang ang paggawa ko ng video kasi maraming OFW ang natutuwa sa akin. Marami ang nagme-message sa akin at nagpapadala ng video na huwag daw akong tumigil sa paggawa. Minsan ko na kasing itinigil ang pag-upload ng video dahil nga may mga nagbabanta na rin sa buhay ng pamilya ko.
“Eh talagang maraming OFW ang natutuwa sa akin. Kasi nga raw pampasaya ng buhay nila’yung video ko at pampatanggal ng lungkot nila,” saad pa ni Dyosa na umabot ng 4M views and share ang isang video niya ukol sa pagwawalis ng bakuran habang naka-two piece.
Marami ring positibong epekto ng paggawa niya ng mga video dahil doon siya nakita ng kanyang manager na si Ogie na noong una’y hindi niya pinaniwalaan na kinukuha siya nito para mag-artista. Ganoon din ang drama niya nang mag-message si Direk Wenn para isama naman siya sa pelikulang Wang Fam.
“Medyo nagugulat ang pamilya ko sa nangyayari, nang sumikat na nga ang mga video ko kasi may mga pumupunta sa bahay nag-aalay sa dyosa na mga OFW. Nagpapadala sila ng chocolate, sapatos, damit. Eh ayoko naman ng ganoon dahil alam ko ang hirap ng buhay nila roon pero sila ang mapilit kung saan-saan pa sila nanggaling talagang pumupunta sa bahay ko. Ang nanay ko naloloka kasi siya ang nag-e-entertain kapag wala ako, napapagod daw siya,” kuwento pa ni Dyosa na ngayo’y may anim na movies guaranteed under Viva Films na siya.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio