Namo-monitor pala nina Direk Wenn at Ogie ang mga ginagawa ni Dyosa sa internet at dito nagsimula ang magandang kapalaran niya. “Tinawagan ako ni Tito Ogie, kung gusto ko raw mag-artista kasi naaaliw daw siya sa mga vi-deos ko. Noong una akala ko mga poser! Until nag-extra ako sa Home Sweetie Home at nag-message ako sa kanya,” saad ni Dyosa sa amin ukol sa simula ng pagiging talent niya ni Ogie.
“Tapos after that, si Direk Wenn naman, ‘Hoy Dyosa gusto mo ba mag-artista kasi naaliw ako sa mga videos mo.’ Ganoon ang sabi niya sa akin sa FB at ang sagot ko sa kanya, ‘Talaga po? Sure po ba, kayo po iyan?
“Kasi di ko ma-imagine na Direk Wenn ‘yun. Tapos ay ibinigay niya ang number niya, ‘O tawagan mo ako ngayon.’ Kinabukasan, pinapunta niya na ako sa shooting ng Wang Fam. Nagulat ako siyempre, first movie, e. ‘Tsaka nakakaloka dahil si Tito Ogie ‘tsaka si Direk Wenn, wini-wish ko lang ‘yun dati.
“Sabi ko kung papasukin ko ang showbiz, gusto ko i-handle ako ni Tito Ogie, ‘tas mahilig ako manood ng mga movie ni Direk Wenn kasi mahilig ako sa mga comedy film. So sabi ko, sana minsan maging ano, mai-direk naman ako ni Direk Wenn, parang ilusyon lang. Hindi ko akalain na matutupad pala iyong dalawang wish ko,” mahabang esplika ni Dyosa.
Dagdag niya, “Tapos nag-thank you ako sa kanya dahil ginawa niya akong extra sa pelikula. Sabi niya sa akin, ‘Gaga! Hindi ka extra dito! I-introduce kita, pakikilala kita, pasisikatin kita! Sabi ko, ‘Ha?! Direk hindi ako extra rito?’ Sabi niya sa akin ulit, ‘Hindi ka extra rito, introducing ka, maganda ‘yung role na ibibigay ko sa iyo.’ Kaya sobrang blessings talaga, thank you Lord dahil ginamit niya si Direk Wenn at si Tito Ogie para sa pangarap ko,” masayang saad pa niya.
Ang Wang Fam ay showing na ngayon, November 18 at tinatampukan ito nina Pokwang, Candy Pangilinan, Benjie Paras, Wendell Ramos, Andre Paras, Yassi Pressman, Atak Araña, at iba pa.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio