BUKOD kay Terrence Romeo, isa pang dahilan kung bakit umaangat ang Globalport ngayong Smart Bro PBA Philippine Cup ay si Stanley Pringle.
Nagpakitang-gilas ang 2015 PBA Rookie of the Year sa huling laro ng Batang Pier noong Biyernes kung saan siya ang bayani sa 113-111 na panalo nila kontra Rain or Shine na pumutol sa tatlong sunod na panalo ng Elasto Painters sa torneo.
Isinalpak ni Pringle ang kanyang pamatay na tira sa huling 0.5 na segundo upang dalhin ang Globalport sa ikatlong panalo kontra sa isang talo kontra San Miguel Beermen.
Nagtala si Pringle ng career-high na 27 puntos, kasama ang walong rebounds at anim na assists kaya siya ang napili bilang Player of the Week ng PBA Press Corps para sa linggong Nobyembre 9 hanggang 15.
Susunod na makakalaban ng Batang Pier ang Alaska sa Biyernes, Nobyembre 20, sa pagbabalik ng PBA sa Smart Araneta Coliseum pagkatapos ng isang linggong paglalaro sa PhilSports Arena.
(James Ty III)