SA ikalawang sunod na linggo ay muling napili ng UAAP Press Corps ang point guard ng National University na si Gelo Alolino bilang Player of the Week.
Naging bayani si Alolino sa 70-68 na panalo ng Bulldogs kontra Far Eastern University noong Sabado sa Mall of Asia Arena dahil sa kanyang pamatay na tira sa huling 33.5 segundo na sumira sa huling tabla sa 68-all.
Nagtala si Alolino ng 20 puntos sa ika-pitong panalo ng NU kontra sa pitong talo at mapalapit sa huling puwesto sa Final Four.
Sisikapin ng NU na makaulit bilang men’s basketball champion ng UAAP ngayong taong ito.
“He is the type of player who loves the ball come endgame,” wika ni NU coach Eric Altamirano tungkol kay Alolino.
Aabante ang Bulldogs sa Final Four kung matatalo ang La Salle kontra FEU sa Miyerkoles sa huling laro ng UAAP eliminations.
Kung magwawagi ang Green Archers ay magkakaroon ng playoff ang La Salle at NU sa Sabado kung saan ang mananalo rito ay kailangang manalo nang dalawang beses kontra University of Santo Tomas sa Final Four.
Hawak ng UST at FEU ang twice-to-beat na bentahe sa playoffs.
Nakuha ng Tamaraws ang ikalawang puwesto pagkatapos na matalo ang Ateneo kontra University of the East, 74-69, noon ding Sabado.
Maghaharap ang FEU at Ateneo sa isa pang labanan sa Final Four.
“We are just going to wait for the result of Wednesday’s game,” ani Altamirano. “Ang important lang, na-hurdle namin yung assignments namin.”
(James Ty III)