Tunay na talented ang Pinoy, hindi lang sa kantahan at aktingan angat ang Pinoy. Sa Dance Kids, handa nang patunayan ng mga bata na bukod-tangi rin ang galing ng mga Pinoy pagdating sa pagsayaw at pag-indak sa kauna-unahang dance competition for kids na magsisimula na sa Sabado (Nobyembre 14).
Sa programa, magpapabilib sa sayawan ang iba’t ibang solo, duo, at group dance artists mula apat hanggang 12 taong gulang. Sasabak sa ‘tryouts’ ang 60 acts na hahatiin sa dalawang teams sa ilalim ng dalawang dance celebrities. Makisabay sa tiyempo at tugtog at subaybayan ang kuwento ng mga bata sa kanilang pagsayaw tungo sa pag-abot ng tagumpay sa pangunguna ng hosts na sina Robi Domingo at Alex Gonzaga.
Sa ‘tryouts,’ sasalain sila ng Dance Masters na sina Georcelle Dapat-Sy,Andy Alviz, at Vhong Navarro na mga pinakarespetadong pangalan sa pagsayaw sa Philippine entertainment. Para makalusot, kailangang mapa-”stomp” nila ang tatlong Dance Masters.
Ang unang magpapa-stomp sa kanila ay si Teacher Georcelle, na 14 years old pa lang nang unang sumayaw sa TV at kalauna’y naging miyembro ng dance group na Hotlegs. Noong 2004, itinatag niya ang grupong G-Forcena nagpe-perform kasama ang pinakamalalaking celebrities sa industriya. Ngayon, napapanood din si Teacher Georcelle bilang dance mentor sa musical competition na Your Face Sounds Familiar.
Sasamahan si Teacher Georcelle ni Alviz, isang batikang choreographer, artistic director, at musikero. Naging resident choreographer si Andy para sa mga lokal na produksiyon ng musicals na Miss Saigon sa Asya at sa Kapamilya shows gaya ng ’Sang Linggo nAPO Sila at ASAP. Siya rin ang nagtayo ng Whiplash Dance Company, isa sa mga pinakakilalang jazz dance groups sa bansa, at naging kilala sa pagdidirehe at pagpoprodus ng mga musical at album na itinataguyod ang kultura ng Pampanga na pinagmulan niya
Bago naman maging isang aktor, komedyante, at host, gumawa muna ng pangalan si Vhong bilang isang dancer kasama ang grupong Streetboys. Maituturing niyang first love ang pagsasayaw, kaya naman malaki raw ang utang na loob dito dahil ito ang nagpasok sa kanya sa showbiz. At saDance Kids, excited siyang magbahagi ng kanyang kaalaman at experience sa pagsasayaw.
Huwag palampasin ang pagsisimula ng Dance Kids ngayong Sabado (Nobyembre 14) sa ABS-CBN.
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio