PCSO pumiyok na sa panggugulang ng STL operators
Jerry Yap
November 13, 2015
Bulabugin
ANG daming naging chairperson ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) pero ngayon lang nagkaroon ng lakas ng loob na isiwalat ang tila malaking ‘nakawan’ sa remittances ng STL (Small Town Lottery).
Ayon mismo sa National Bureau of Investigation (NBI) hindi kukulangin sa P50 bilyones ang nawawala sa gobyerno dahil sa hindi totoong deklarasyon ng mga STL operators.
Nang buksan ng gobyerno ang STL noong 1987, umasa sila na matutuldukan ang jueteng.
Lumalabas kasi na ang mga nabigyan ng permisong mag-operate ng STL ay nagmamantina rin ng jueteng.
Kung tutuusin nga raw ay nagamit pa ang legal na kaanyuan ng STL ng mga kobrador ng jueteng kaya nga mas lalong naging maluwag ang operasyon nila.
Sa pagtantiya, ang STL ay kumikita ng P50 bilyones bawat taon pero ang idinedeklara lang umano ng mga operator ay P4.5 milyones.
Ayon kay Chairman Ayong, “Kitang-kita ang mga ebidensya hindi sumusunod ang mga operator na ‘yan sa IRR na ini-impose ng PCSO. ‘Yung merong mga bawat probinsiya o bayan ay meron talagang designated kung saan sila dapat mag-draw hindi naman daw sila nagdo-draw. Pero napakaraming bookies area na doon sila nagdo-draw and on top of that pati minors ini-employ nila as kobrador.”
Buking na buking daw ang mga paglabag ng STL operators sa ginawang pagsalakay ng NBI sa Nueva Ecija, Laguna, Batangas, Quezon, Bulacan at Olongapo.
Bilyon-bilyong piso pero halos P800 milyon lang ang ibinibigay sa PCSO.
Sabi pa ni Chairman Ayong, “Yung kanilang koleksyon talaga mga 4 billion a year. Napakaraming binabawas, kung ano-ano… Basta in effect ang napasok lang sa PCSO na pondo ay P800-million.”
Mantakin ninyo, ang pera pala ng dukha ay umaabot sa bilyones?!
Sino ba ang tumataya sa STL at jueteng? Definitely hindi sila casino player.
Sila ‘yung maliliit nating kababayan na naniniwala sa malas at su-werte…
‘Yung paniniwalang pwede silang yumaman sa biglang pagyaman na walang ano mang puhunan kundi ang tumaya sa Lotto, STL o jueteng?!
Kaya ang ibig sabihin lang po, mga maliliit na mamamayan po ang ninanakawan ng STL operators na ‘yan.
Sana naman, kung magiging seryoso sa kampanya ang gobyerno sana’y gamitin nila para sa mahihirap ang pondo ng PCSO.
‘Yun lang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com