Heto na naman ang pangulo
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
November 13, 2015
Opinion
HETO na naman si Pangulong Benigno Simeon Aquino III at muling ipinakikita ang kawalan ng malasakit sa damdamin ng bayan matapos na isnabin ang paanyaya sa kanya na dumalo sa paggunita sa ika-dalawang taon na paghagupit ng bagyong Yolanda sa Lungsod ng Tacloban.
Mas pinili ng pangulong ito na puntahan ang isang “importante” na kasalan kahit hindi naman siya isponsor sa naturang okasyon. Mas ginusto niya na sa pagkakataon na ito ay makasama ang mga kaibigan kaysa mga boss niya, ang ordinaryong mamamayan ng Tacloban. Ang palusot ni BS Aquino III ay wala daw siyang natanggap na imbitasyon, isang bagay na mariin na pinabulaanan ng pamunuan ng nasabing lungsod.
May mga nagpapalagay na sinadya ni BS Aquino III na hindi pumunta sa Tacloban. Hindi kasi malayo na maipamukha sa kanya ang pamosong mga kataga na “bahala kayo sa buhay ninyo” na binitiwan ni Mar Roxas sa mga taga Tacloban matapos silang hambalusin ng bagyo na Yolanda. Si Roxas, dating DILG secretary, ang pambato ni BS Aquino III bilang kanyang kapalit sa darating na eleksyon.
Marami ang namatay at malaki ang halaga ng mga ari-arian na nasira matapos na daanan ni Yolanda ang Tacloban. Nagtulong-tulong ang mga taong bayan at international relief organizations sa pagbabangon sa kanila. Gayon man, sa kabila ng trahedya na inabot ay pinahirapan sila ng pamahalaan na makakuha ng ayuda dahil sa mababaw na dahilan na ang kanilang mayor ay mula sa pamilya Romualdez, isa sa mga na mahigpit na kalaban sa politika ng pamilya Aquino’t Roxas.
Pero hindi ngayon lamang nangyari na kitang-kita ng taong bayan ang kawalan ng pakiramdam ni BS Aquino III at kanyang mga tauhan sa mga maliliit, lalo na yung mga nasalanta ng trahedya.
Matatandaan na sa kasagsagan ng isyu tungkol sa “Mamasapano massacre” ay mas pinili ni BS Aquino III na puntahan ang masayang pasinaya sa isang planta ng sasakyan sa Canlubang, Laguna kaysa malungkot na salubungin sa Villamor Air Base ang bangkay nang 44 na bayaning pulis na minassacre ng mga tauhan ng Moro Islamic Liberation Front habang gumaganap sa kanilang tungkulin sa bayan.
Dahil dito ay masasabing hindi na bago sa administrasyon na ito ang pagpapakita ng kamanhiran at bagkus dapat itong asahan bilang normal na kalakaran. Ito ang tatak ng kasalukuyang administrasyong Aquino.
Sa kabila nito ay may mga masasabi na hindi kasalanan ni BS Aquino III kung hindi siya nakararamdam ng awa sa mga maliliit. Hindi kasi siya nakatikim ng hirap para maunawaan ang damdamin ng isang nangangailangan. Sa tingin nila ay may palagay ang pangulo na tayong maliliit ay masuwerte pa rin dahil buhay pa tayo.
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.