Airport media hinigpitan sa ‘access pass’
Jerry Yap
November 11, 2015
Opinion
NAKARARANAS nang iba’t ibang klase ng paghihigpit ang ilang in-house reporters at mamamahayag na nagkokober sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminals matapos ang walang tigil na isyu ng kontrobersiyal na ‘tanim-bala’ hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo.
Ayon kay Raoul Esperas, Pangulo ng NAIA Press Corps, Inc., ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng airport media ang ginagawang pangha-harass ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga mamamahayag na gustong magkober ng mga kaganapan sa loob ng pambansang paliparan.
Mismong si Esperas at mga kasamahang media network mula GMA 7, UNTv, Channel 5, ABS-CBN at Sonshine Tv ay nakaranas nang panggigipit mula sa ilang airport security personnel kahit na sila ay binigyan ng ‘access pass’ upang makakuha ng mga balita at impormasyon hinggil sa ‘tanim-bala’ incident.
“Noong mga nagdaang administrasyon ay hindi nila ginigipit o pinahihirapan ang mga mamamahayag na makakuha ng balita o impormasyon sa loob ng NAIA pero ngayon parang sinasakal nila ang kalayaan sa pamamahayag,” ayon sa isang radio reporter
Wala rin umanong maipakitang memorandum o kautusan ang security personnel kung sinong mataas na opisyal ng MIAA ang nasa likod nang panggigipit kaya’t naniniwala ang mga mamamahayag na isa itong paraan upang maputol na ang isyu ng ‘tanim-bala scam’ sa pambansang paliparan.