Dati laglag barya lang ngayon laglag bala na…
Rev. Fr. Nelson Flores, MSCK, JD.
November 9, 2015
Opinion
NAKAHAHAWA ang pagiging garapal sa paggawa ng kawalanghiyaan ng mga pulpol na politiko. Isipin na lamang na ultimo ordinaryong empleyado ngayon, lalo na yung mga personnel na nasa Ninoy Aquino International Airport, ay parang pul-politiko na rin sa pagiging lantaran kung magwalanghiya sa kapwa.
Isipin na lamang na sa pangunahing airport pa mismo, na siyang mukha ng ating bayan, nauuso umano ang raket na laglag bala ng mga ito. Wala na raw silang pinipili na biktima, lugar o panahon. Papatakan umano ng bala ng mga NAIA personnel ang bagahe ng mga manlalakbay at palalabasin na smuggler ng bala ang biyahero. Tatakutin na sasampahan ng kaso na kriminal tulad halimbawa ng “illegal possession of ammunition” ang kawawa na biktima hanggang sa magbigay ito ng pera huwag na lamang maabala.
Sa kabila ng dumarami na bilang ng reklamo ay parang hindi natitinag ang mga tauhan na ito ng NAIA. Tila hindi rin nababahala ang Malacanang sa mga ulat kaugnay ng raket na laglag bala kahit ang nakahihiya na balita na ito ay lumalabas na sa lokal at “international media.” Ang karaniwan na sagot ng mga nasa poder ay iimbestigahan natin. Madalas walang nangyayari sa mga “imbestigasyon” na ito.
Nananatiling nakaupo sa poder ang mga makakapal ang mukha na opisyal na dapat ay may responsibilidad sa kaayusan ng mga airport, lalo na sa NAIA, at himpilan ng transportasyon sa ating bayan. May palagay ako na maaring iniisip pa ng mga ito sa mga biktima ng modus operandi ay “bahala kayo sa buhay ninyo.”
Hindi ako magtataka kung hindi matigil ang raket na ito sa NAIA dahil wala naman interes ang mga nakaupo sa poder ngayon, lalo na ang pamunuan ng Liberal Party, na “yugyugin ang bangka.” Kung yung mga inabot nga ng delubyo at namatayan sa Bacolod ay nasabihan na “bahala kayo sa buhay ninyo,” sila pa kayang mga biyahero na wala naman sa panganib at hindi naman nasalanta ng bagyo.
Walang “tuwid na daan” sa NAIA. Hindi sakop ng daan na ito ang mga kaso sa airport dahil yung mga gumagawa ng kawalanghiyaan at opisyal na nasa likod nila ay hindi naman kalaban sa politika ng kasalukuyang administrasyong Aquino at LP.
Tanging ang mga Arroyo, Corona, Estrada, Enrile, Revilla at Binay lamang ang apektado ng “tuwid na daan.” Pansinin ninyo na kapag malapit sa kasalukuyang administrasyong Aquino ang isang opisyal, kahit palpak at “criminally incompetent” ito sa trabaho ay hindi siya apektado ng tuwid na daan.
Iba na talaga ang panahon ngayon, pati modus sumusulong…dati rati laglag barya lang, ngayon laglag bala na…
* * *
Kung ibig ninyong maligo sa hot spring pumunta kayo sa Infinity Resort sa Indigo Bay Subd. Brgy. Bagong Kalsada, Calamba City, Laguna. Malapit lamang sa Kalakhang Maynila at mula sa resort na ito ay tanaw ninyo ang banal na bundok Makiling.
Magpadala ng mensahe sa https://www.facebook.com/privatehotspringresort?fref=tspara sa karagdagang impormasyon o reserbasyon.