IGINIIT ng dalawang technical officials ng huling NCAA Season 91 men’s basketball na tama ang tawag na double lane violation ng mga reperi sa mga huling segundo ng Game 3 ng finals ng Letran at San Beda noong isang linggo.
Sinabi nina NCAA commissioner Arturo “Bai” Cristobal at technical supervisor Romeo Guevarra na ayon sa Section 43.3.3 ng 2014 rules ng FIBA, talagang dapat may double lane violation pagkatapos ng ikalawang mintis na free throw ni Jomari Sollano sa huling anim na segundo ng larong pinagwagihan ng Knights, 85-82, sa overtime upang makuha ang titulo at tapusin ang paghahari ng Red Lions sa NCAA.
Matatandaan na binatikos ni San Beda team manager Jude Roque ang nasabing double lane violation na sa tingin niya ay naging dahilan ng pagkatalo ng Red Lions na limang sunod na taong nagdomina ang NCAA.
Pati ang sportscaster ng ABS-CBN at coaching consultant ng NLEX sa PBA na si Allan Gregorio ay nagsabing tama rin ang nasabing tawag na double lane violation.
“There is a single lane violation and a double lane violation. Obviously, that was a double lane violation. Puwede bang i-let go ni Nestor Sambrano? I’m not the lawyer of Nestor Sambrano pero I give it to him for calling that because it was really quite obvious na hindi pa tumitira, nagkakagulo na sa lane,” ani Gregorio na kumober ang laro bilang analyst ni Anton Roxas para sa ABS-CBN Sports+Action 23.
(James Ty III)