Balikbayan boxes noon, ‘tanim-bala’ naman ngayon
Robert B. Roque, Jr.
November 4, 2015
Opinion
MARAMI tayong kababayan at pati na mga turista ang nangangamba sa posibilidad na mangyari rin sa kanila ang sinapit ng ibang minalas sa pagpasok sa ating bansa.
Sa mga nakalipas na buwan ay naging mainit na paksa ang patakaran ng Bureau of Customs na buksan at inspeksyonin ang balikbayan boxes na ipinapasok o ipinadadala ng mga Filipino mula ibang bansa, upang matigil daw ang pagpupuslit ng droga, armas at ibang ipinagbabawal na bagay.
Pero ibinasura ng Customs ang patakarang ito sa utos ni President Noynoy Aquino matapos batikusin ng overseas Filipino workers (OFWs). Marami raw kasing gamit ang nasira o nawala nang inspeksyonin ang mga kahon.
Ngayon ay tinaguriang ‘tanim-bala’ naman ang uso na ilang pasahero na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nahulihan ng isa o dalawang bala sa loob ng kanilang bag.
Kabilang sa mga nakaranas nito ay isang naka-wheelchair na balikbayan, na nagsabing nagbayad pa siya ng halagang P500 sa isang personnel ng airport security upang payagan siyang makalabas ng bansa. Nalaman ng marami ang naganap matapos niyang i-post ito sa Facebook.
Ganito rin ang karanasan ng isang US tourist at isang OFW na 26 taon nang naglilingkod sa Hong Kong. Ang mga awtoridad ay nakakuha raw ng bala sa kanilang bagahe sa magkahiwalay na pagkakataon.
Nangako na ang Malacañang na paiimbestigahan ang mga kaso kaugnay ng sinasabing ‘tanim-bala’ at maglalagay sila ng karagdagang CCTV camera upang ma-monitor kung taga-airport ang gumagawa nito.
Dapat lang tutukan ng gobyerno ang problemang ito. Iilang tao man o kaya ay grupo ng sindikato ang nasa likod ng panlolokong ito ay hindi matatakot kung magaan lang ang parusang nakalaan sa mahuhuli. Patawan ninyo ng mabigat na parusa at tiyak na matatakot ang mga iyan.
Alalahanin na mahalaga ang karangalan para sa mga tao tulad ng OFW na kanilang idinetine. Hindi magtatagal ang kanyang paglilingkod kung hindi siya pinagkakatiwalaan ng amo. Malilinis pa ba ang kanyang pangalan kung nawasak na ito?
At paano mapalalakas ang turismo kung nangangamba ang mga balikbayan at turistang nagbabalak pumunta sa ating bansa na baka sila ang susunod na mataniman ng bala?
Biru-biruan tuloy ngayon na lumalago na raw ang sektor ng Agrikultura ng bansa dahil bukod sa nagtatanim na ng bala sa NAIA ay umaani pa ng balikbayan boxes ang mga “magsasaka” roon.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.