NANINIWALA ang isang NBA scout na ang pag-draft ni Bobby Ray Parks sa NBA D League ay magandang hakbang tungo sa paglalaro ng isang Pinoy sa NBA.
Sinabi ni Memphis Grizzlies scout Mike Schmidt na panahon na ng NBA na makakuha ng mga manlalarong Pinoy dahil ilang mga Asyano ang sumikat sa liga tulad nina Yao Ming, Yi Jianlian, Hamed Haddadi at Yuta Tabuse.
“I think it’s a great stepping stone (para kay Parks). I actually spent sometime in the league myself scouting on the coaching side of things,” wika ni Schmidt sa panayam ng www.spin.ph.
Matatandaan na napili ng Texas Legends si Parks sa ikalawang round ng NBA D League Rookie Draft noong Sabado, oras sa Amerika.
Ang Legends ay farm team ng Dallas Mavericks kung saan doon naglaro si Parks noong NBA Summer League.
Ang pagnanais ni Parks na maglaro sa NBA ay dahilan kung bakit inisnab niya ang PBA Rookie Draft at hindi niya tinapos ang kanyang paglalaro sa National University sa UAAP, bukod sa hindi niya paglaro sa Sinag Pilipinas sa SEA Games noong Hunyo.
Pangarap ng ama ni Parks na si Bobby Parks, Sr. na maglaro ang kanyang anak sa NBA ngunit namatay ang dating Best Import ng PBA noong 2012.
Dating na-draft sa NBA D League si Japeth Aguilar bago siya nagdesisyong manatili sa PBA at maglaro para sa Barangay Ginebra San Miguel.
(James Ty III)