US hindi aatras sa China
Ruther D. Batuigas
October 31, 2015
Opinion
IPINAKIKITA na ng bansang Amerika na hindi sila takot at hindi aatras sa China.
Mantakin ninyong noong Martes, Oktubre 27, ay naglayag ang guided missile destroyer na USS Lassen na 12 nautical miles lang ang layo sa mga artipisyal na isla na ginawa ng China sa Spratly Islands South China Sea.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na paghahamon ito ng US sa damuhong China na walang kabusugan sa pag-angkin ng mga teritoryong pandagat, kahit na sakop ng ibang bansa.
Pumalag na ang China at nagprotesta dahil winasak daw ng Amerika ang US-China relations dahil sa ginawa nito. Pero bakit hindi nila sinita at pinalayas ang Amerika na tulad nang ginagawa nilang pagtaboy sa ating mga barko?
Ayon sa batas ng China, kailangan humingi muna ng pahintulot ang mga dayuhang sasakyang pandigmaan kung balak nitong maglayag nang malapit sa kanilang terotoryo.
Pero kung gagawin ito ng Amerika ay mangangahulugang kinikilala nila ang pag-angkin na ginagawa ng China sa karagatan. Ang paglalayag at pagpapatrolya ng isang US war vessel nang malapit sa China nang walang pahintulot ay patunay lang na hindi nito kinikilala ang pag-angkin ng China sa Spratlys.
Sa kabila ng pagpalag ng China ay nagpahayag ang gobyerno ng Amerika na ipagpapatuloy ng US Navy ang pagpapatrolya sa kontrobersiyal at pinagtatalunang South China Sea sa susunod na mga linggo.
Naiulat na ang hakbang na ito ay upang maunawaan ng China na patuloy na titiyakin ng Amerika na magpapatuloy ang kalayaan sa paglalayag sa naturang lugar, at hindi nila hahayaan na mabago ang kondisyon na ito.
Dapat naman talagang magpatuloy ang kalayaan sa paglalayag sa South China Sea, na tinatawag din nating West Philippine Sea, at hindi hayaang manaig ang pambubuwaya ng China sa mga teritoryo.
Sa simula pa lang noong pumoporma ang mga barko ng China at ayaw nilang iwan ang karagatan na nakapalob sa ating teritoryo ay dapat pinalayas na ang mga damuho. Inireklamo natin ito sa International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) pero habang naghihintay tayo ng desisyon, ay patuloy namang pinagtitibay ng China ang pag-angkin sa ating teritoryo.
Ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), ang bawat bansa ay may exclusive economic zone (EEZ) na 200 nautical miles mula sa baseline nito.
Ang problema kasi sa China ay hindi nila kinikilala ang mga pandaigdigang batas na ginawa para tiyakin ang karapatan ng bawat bansa sa karagatang nasasakupan nito.
Kinikilala lang nila ang sarili nilang mga batas, mga mare at pare ko, na naniniwala sa kagaguhan na ang halos kabuuan ng South China Sea ay kanilang pag-aari.
Mga suwapang!
***
TEXT 0905-6767673 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.