ER Ejercito may perpetual disqualification na humihirit pa?!
Jerry Yap
October 27, 2015
Bulabugin
IBANG klase talaga itong mga EJERCITO.
Mga diskwalipikado na pero iginigiit pa rin ang kanilang mga sarili na makapuwesto sa gobyerno.
Isang Ejercito na diskwalipikado, dahil sentensiyadong mandarambong pero nakapagtatakang inabsuwelto ng Supreme Court.
Itong isa naman, diskuwalipikado dahil sa labis na paggastos sa kampanya, heto at muli pang naghain ng certificate of candidacy (COC) para Laguna Governor si Emilio Ramon “ER” Ejercito III. At hindi lang ‘yan maging ang kanyang anak na si Jorge Antonio Ejercito e pinaghain din.
S’yempre, para siguradong pasok pa rin silang mga Ejercito kung ibasura man ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura ng ama.
Mabuti na lamang at may isang vigilant Laguneño sa katauhan ni Ka ABNER AFUANG na agad naghain ng petisyon sa Comelec para ideklarang PANGGULO lang ang mga EJERCITO sa eleksiyon.
Dapat nga ay cancellation ng COC pa ang inihain ni Afuang sa mga ‘yan!
Hindi ba’t malinaw na pang-iinsulto nga naman ‘yan sa sistema ng eleksiyon sa bansa?!
Ano sa palagay niya, mga engot ang mga kagalang-galang na opisyal ng Comelec?!
Inilalagay nila sa kahihiyan at ginagawang katawa-tawa ang election process sa bansa.
Sabi ka nga ni Ka Abner, huwag kalimutan na hindi na dapat tanggapin ang kandidatura ni Ejercito III dahil siya ay idineklarang ‘disqualified’ ng Comelec noong Setyembre 2013 bilang gobernador ng Laguna bunsod nang sobrang paggastos sa election campaign, alinsunod sa Section 68 ng Omnibus Election Code.
Pinagtibay ang resolusyon ng Comelec En Banc sa resolusyon na may petsang Mayo 2014.
Si Jorge Antonio Ejercito dahil hindi totoo ang intensiyon niyang tumakbo bilang gobernador ng lungsod kundi nais lamang siyang gawing ‘substitute’ ng ama sakaling madiskwalipika ang kandidatura.
O ‘di ba naman?!
Dagdag ni Afuang, “walang kakayahan ang batang Ejercito na balikatin ang kampanya para sa kandidatura dahil umaasa pa siya sa poder ng kanyang ama at sila ay nakatira sa iisang bahay.”
Kung sakali nga namang manalo ang batang Ejercito malaki ang posibilidad na gawin lamang siyang ‘puppet’ ng ama na siyang totoong magpapatakbo ng lalawigan.
Korek na korek ang petisyon ni ka Abner sa Comelec na kanselahin ang certificate of candidacy (CoC) ng mag-ama at atasan ang board of elections inspectors sa lalawigan ng Laguna at Provincial Board of Canvassers na huwag bilangin ang kanilang boto.
Suportado ka namin diyan Ka Abner Afuang, mabuhay ka!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa JERRYAP888@YAHOO.COM. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com