Ito’y ukol sa kuwento ng isang anak na gagawin ang lahat mabuo lamang ang kanyang pamilya. Matutunghayan na ito simula Nobyembre 9 sa Kapamilya Network.
Ang istorya ay iikot sa pamilya Fontanilla na namuhay ng simple at nabago nang hawakan ni Gabriel (Richard Gomez) ang kasong frustrated homicide laban kay Christian Vergara (JC De Vera), anak ng isang makapangyarihang senador (Tonton Gutierrez). Ang noo’y 12 taong gulang na si Grace (Jessy Mendiola) ay maghahanap ng atensiyon mula sa ama at inang si Marian (Dawn Zulueta) at maiisipang magrebelde.
Isang gabi, umalis siya ng walang paalam at lumabas kasama ang kanyang mga kaibigan. Hinabol siya ni Rahm at ng kanilang kasambahay kaya naman naiwan si Vince (Paul Salas) mag-isa sa bahay. Makalipas lang ang ilang minuto ay gugulat sa pamilya ang balitang babago sa kanilang mga buhay—— nawawala si Vince.
Lilipas ang 12 taon at patuloy ang pangungulila nila kay Vince. Dala ng pagkawala kaya’t naghiwalay sina Marian at Gabriel. Si Marian ay abala na sa kanyang clothing line business habang si Gabriel naman ay kinakasama na si Roni (Lara Quigaman), ang pulis na hahawak ng kaso ng kanyang anak. Sa murang edad, si Rahm (Sam Concepcion) naman ay may anak at asawa na, habang si Grace naman ay patuloy na sinisisi ang sarili sa pagkakawala ng bunsong kapatid.
Muling pagtatagpuin ng tadhana ang landas nina Grace at Vice na sa kaniyang pagbabalik, manumbalik din kaya ang dati’y matibay na ugnayan ng pamilya Fontanilla?
Kasama rin sa cast sina Assunta De Rossi, Jobelle Salvador, Mika Dela Cruz, Minnie Aguilar, Peewee O’Hara, Belle Mariano, Bugoy Carino, at Raikko Mateo.
Ang You’re My Home ay sa idinirehe ni Jerry Lopez-Sineneng sa ilalim ng pamamahala ni business unit head Malou Santos. Ang creative team nito ay pinamumunuan naman ng creative manager at MMK headwriter na si Arah Jell Badayos.’
SHOWBIZ KONEK – Maricris Valdez Nicasio